MATINDING preparasyon ang ginawa nina Kathryn Bernardo at Alden Richards para mabigyan ng “justice” ang pagganap nila bilang mga OFW sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye.”
Bukod sa pag-aaral ng basics of bartending para sa role niya bilang si Ethan, kinarir din ni Alden ang pagpapapayat para mas bumagay sa kanyang karakter.
Inamin ng binata na talagang mataba siya bago simulan ang shooting ng pelikula nila ni Kathryn. Ito’y dahil na rin sa ilang linggo niyang pagbabakasyon kasama ang kanyang pamilya, sa ibang bansa.
At mas na-challenge pa siyang magbawas ng timbang nang sabihan siyang “mataba” ng kanilang direktor na si Cathy Garcia-Molina.
“Hindi na po yata napigilan ni Direk. Talagang sabi niya, ‘Alden, halika rito, tingnan mo, ang taba mo.’ Parang iyon po ang nag-drive sa akin.”
Para naman kay Kathryn na gaganap bilang Joy sa movie na isang waitress sa Hong Kong, talagang isinakripisyo niya pansamantala ang personal na kaligayahan para mas mapaganda ang movie nila ni Alden.
Talagang kinaya niya na hindi makasama nang halos isang buwan ang boyfriend niyang si Daniel Padilla dahil nga sa Hong Kong kinunan ang halos kabuuan ng “Hello, Love, Goodbye”.
Samantala, nang matanong sa nakaraang presscon ng kanilang pelikula kung ano ang mami-miss nila ngayong tapos na ang shooting ng “HLG” at kapag naipalabas na ito.
“Mami-miss ko ’yung nabuong friendship dito. Sabi nga niya kanina, napaka-genuine ng lahat ng nangyari dito. Wala kaming pinilit and all,” ani Kathryn.
Dagdag pa niya, “Hindi ko in-expect na mag-jive lahat na ganito kagulo. Happy kasi ako sa mga promos makakasama ko pa sila pero after that, sana hindi pa doon mag-end. May nabuong friendship and we are very happy.”
Para naman kay Alden, sobrang mami-miss niya ang mga bonding moments nila sa Hong Kong. Sana raw ay mabigyan pa rin sila ng chance na magkasama-sama uli kahit tapos na ang pelikula.
“Doon sa Hong Kong, hindi ABS-CBN, hindi GMA. It’s family. ‘Yun ‘yung nabuo. Siyempre ‘yung mga bondings namin when we do presscons and mall tours together, ‘yung samahan talaga.
“After the movie, kasi siyempre ‘yung schedule ko, ni Kath and nu’ng iba naming mga kasama, iba iba na, so talagang conscious effort talagang magkita kita. Pero yun yung mami-miss ko talaga, yung samahan namin dito,” dagdag pa ni Alden.
Hirit pa ni Alden, sana raw ay hindi ito ang first and last movie niya sa Star Cinema, “Kung meron man pong offer, hindi ko tatanggihan ’yan. Siyempre po, with the blessing pa rin po ng GMA kung papayagan pa rin po ako. Pero I’m still looking forward to do films with Star Cinema and other production houses.”
E, si Kathryn kaya, payag gumawa ng movie sa GMA Films na balitang magiging active uli sa pagpo-produce? “Kung meron silang offer na swak and, of course, pinayagan ako ng Kapamilya network, why not? Basta daanin natin sa magandang usapan lahat. Like yung sa kanila, hindi siya naging mabilis. Tatrabahuhin talaga. But yeah, I am very open naman.”
Showing na ang “Hello, Love, Goodbye” sa July 31. Makakasama rin dito sina Maymay Entrata, Maricel Laxa, Joross Gamboa, Jameson Blake, Jerome Ponce, Maxine Medina at Kakai Bautista.