Kongresista nanapak ng waiter?

NANUNTOK umano ang isang kongresista ng waiter sa isang inuman sa Legazpi City.

Si Ang Probinsyano partylist Rep. Alfred delos Santos ay inakusahan ng waiter na si Christian Kent Alejo, 20, na sumuntok sa kanya subalit hindi ito tumama.

Ipina-blotter ni Alejo sa Police Community Precinct 2 ng Legazpi City Police ang pangyayari.

Ayon kay Alejo nagtatrabaho siya noong Hulyo 7, alas-3:40 ng umaga sa Biggs Diner kung saan naroon sina delos Santos, Kim Castillo, Joseph Morassa at isa pang hindi nakilala.

Bigla na lamang umanong sinuntok ni delos Santos si Alejo subalit hindi ito tumama. Hindi naman malinaw kung ano ang dahilan at ginawa ito ng kongresista.

Bukod sa pagsasampa ng kasong kriminal ay maghahain din umano ng Ethics case ang kampo ni Alejo sa Kamara de Representantes.

Read more...