San Juan Knights asam ang CBA Founder’s Cup title
MAIPAGPATULOY ang dominasyon ang hangad ng San Juan Knights sa pagsabak nito sa title series ng Community Basketball Association (CBA) Pilipinas Cup.
Masusubok ang katatagan ng Knights, na sumasabak sa iba’t ibang collegiate-based league at sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) ngayong taon, sa pakikipagtuos sa South champion Naga sa winner-take-all championship duel ng Founder’s Cup ng homegrown grassroots development league ngayong Lunes, Hulyo 15.
Sinabi ni CBA founding president Carlo Maceda na ang bakabakan ng Knights Exile at Water Borne ay inaasahang magbibigay ng katatagan sa pundasyon na itinatag niya sa pagbuo ng liga sa nakalipas na tatlong buwan.
“We expect a good fight between San Juan and Naga for the bragging rights to become the first-ever CBA national champion and the P1-million prize,” sabi ni Maceda sa kanyang pagbisita sa 29th edisyon ng “Usapang Sports” forum ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) Huwebes ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
“This is the product of all the hard work of the CBA and the men and women behind it, as well as the team owners, coaches and players and their respective LGUS and sponsors,” sabi ni Maceda sa lingguhang sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), National Press Club (NPC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), CBA at HG Guyabano Tea Leaf Drinks.
Ayon kay San Juan first assistant coach Yong Garcia, kumpiyansa ang Knights-Exile dahil hawak nila ang bentahe sa homecourt sa San Juan Gym sa championship game na gaganapin alas-5 ng hapon sa Lunes.
“In basketball, homecourt advantage is a big factor. Iba ‘yung maglalaro ka sa harap ng mga fans at tagasuporta mo,” sabi ni Garcia, na nirepresenta si San Juan head coach Randy Alcantara sa forum na naipalalabas ng live sa Facebook via Glitter Livestream.
Subalit kailangan ng Knights na maging handa laban sa katunggaling lubhang estranghero para sa kanila.
“I’m sure they have already scouted our team and they know most of our players. Pero sila hindi namin kabisado,” sabi pa ni Garcia, na head coach ng Marinerong Pilipino Skippers sa PBA D-League.
Iginiit naman ni San Juan team governor Chris Conwi na handa ang San Juan at kumpiyansang hindi ito mapapahiya sa harap ng kanilang home crowd.
“We’re not taking any chances. We’re bringing back at least five players from our San Juan team which topped the recent MPBL Cup,” sabi ni Conwi, na dumalo rin sa forum kasama ang isa sa top players ng San Juan na si Jhonard Clarito.
“Since the MBA days, San Juan has maintained a positive image in basketball. Laging nananalo. We did it in the MPBL. We’ll try to do it again in the CBA,” dagdag pa ni Conwi.
Nagbigay naman ng kasiguruhan si Clarito, na naglalaro rin sa De Ocampo Memorial Colleges sa NAASCU, na ibibigay niya ang lahat ng makakaya para magkampeon ang San Juan.
“Sisikapin namin na mag-champion uli. Matagal na rin naman ang pinagsamahan ng team at tiwala kami sa coaching staff,” sabi ni Clarito, na nagpahayag ng kahandaan sa kanyang paglahok sa PBA Rookie Draft sa susunod na taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.