NAARESTO na ng mga pulis ang security guard na bumaril at pumatay sa Grade 7 na estudyante sa loob ng pinapasukang paaralan sa Calamba City, Laguna, noong isang linggo.
Nahuli ang suspke na si Renando Valderrama ganap na alas-4 ng umaga sa Brgy. Bucal, Calamba Cirt, ayon sa ulat mula sa Calabarzon regional police.
Iniulat ng isang residente na namataan niya si Valderrama, na kalaunan ay naispatan na naglalakad sa kahabaan ng lumang riles ng tren.
Positibong kinilala si Valderrama, na naunang pinangalanan bilang Renz Ivan Valderama ng mga pulis, na siyang bumaril sa 15-anyos na si Mark Anthony Miranda sa loob ng Castor Alviar National High School sa Brgy. Masili noong Hulyo 4.
Sa kanyang pahayag sa mga pulis, sinabi ni Valderrama na nagtago siya sa burol ng Masili sa nakalipas na limang araw at papunta sana ng Laguna de Bay para uminom ng tubig.
Napilitang siyang bumaba para maghanap ng pagkain, ayon sa ulat.
Nakumpiska mula kay Valderrama ang isang backpack na naglalaman ng caliber-.38 revolver na inisyu ng ahensiya at ginamit sa pagpatay kay Miranda. May apat pang bala ang baril.