PRAYORIDAD ng Kamara de Representantes sa ilalim ng pamumuno ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Ayon kay Cayetano, ang unang uupong speaker sa 18th Congress at kahati ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, target nila na palawigin sa apat o limang taon ang termino ng mga halal na opisyal dahil masyadong maikli ang kasalukuyang tatlong taong termino.
“Tingin ko kung bakit panay pulitika tayo, maigsi masyado ang three-year term so kung papayagan tayo ng taumbayan, dapat four or five years,” ani Cayetano.
Si Cayetano ay uupo bilang speaker ng 15 buwan at si Velasco ay 21 buwan.
Hindi pa man pangulo ay ikinakampanya na ni Duterte ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Maghahain umano si Cayetano ng komprehensibong Charter change bill, isa para sa pagpapalit ng gobyerno upang maging federalism at isang mas simple na para palakasin ang Local Government Code.
Magiging maingat umano ang Kamara sa pagbalangkas ng panukala dahil maaari silang maakusahan na para ito palawigin ang termino ng mga kasalukuyang nanunungkulan.
Upang maging mabilis umano ang pagtatrabaho ng Kamara ay bubuuhin umano ni Cayetano ang Die-hard Duterte Super Majority.