Di pwedeng puro PUSO lang

HINDI na dapat pagdudahan ang puso ng mga atletang Pinoy.
Magugunitang ito ang nagsilbing ‘‘battlecry” ng Gilas Pilipinas at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na gumising sa diwa at damdamin ng sambayanang Pilipino.
PUSO, PUSO, PUSO ang sigaw ng mga Pinoy dito at sa labas ng bansa at hindi na mabilang ang mga eksenang tila sinusuntok ng
ating mga paboritong basketbolista ang kanilang mga dibdib tuwing makaka-syut, makaka-rebound, makakaagaw o buburahin ang malaking agwat ng katunggali.
Hindi ba’t pamilyar sa atin ang ganitong kilos sa panahon ni Chot Reyes na kung saan ay lumaro sa Spain FIBA World Cup ang Pilipinas?
Wala na sa Gilas si Chot, nag-moved-on na siya. Ngunit, hindi nawala ang PUSO ng Pinoy basketbol.
Isa ako sa naniniwalang hindi dapat mawala ang PUSO sa Gilas sapagkat nagsisilbi itong inspirasyon sa bansang baliw sa basketbol.
Pasintabi po. Ito ang aking masasabi: Hindi naman puwedeng puro PUSO. Mas magandang pakinggan kung kasama ng
PUSO ang PANALO.
Pag-aralan ninyo ng mabuti. Tuwing mabibigo ang pambansang koponan (tinutukoy ko ang Gilas Pilipinas at ang Gilas Youth na semplang sa FIBA U19 World Cup) ay patuloy pa rin ang mababangong analysis ng kung sinu-sinong eksperto na sinasabing magandang karanasan ito sa mga nasyonal na pinapakitang tayo ay world-class.
Ang tanong: Kelan kaya tayo aangat. Mahaba-haba na rin ang paghihintay ng mga loyalistang manonood ngunit tuwing hindi maiuuwi ang korona ay pamilyar ang ating naririnig sa mga tagapagtanggol partikular ang mga opisyal — magandang karanasan ito sa ating mga manlalaro.
Ang hindi nila matanggap ay ang masaklap na katotohanan na kung tayo man ay umaangat ay mas mabilis ang pag-angat ng ating mga katunggali.
Nakikita ko naman ang ginagawang pagsisikap ng SBP at isama mo na rito ang Philippine Basketball Association (PBA) at maging ang Kongreso upang hulmahin ang malakas na koponan ngunit sadyang mapait ang katotohanan.
Ganunpaman, ituloy lang ang mga programa at baka sakaling makasilat tayo pagda-ting ng panahon (Kailan kaya?). Ang aking hiling? Iwasan na sana ang paulit-ulit na pagdadahilan at tigilan na rin ang karaniwang sagot na babawi tayo sa susunod at gagamitin ang karanasan upang magwagi sa susunod.
Nakakainip na! Pagod na ako sa kahihintay!

29th TOPS USAPANG SPORTS
Kung isa itong pelikula, blockbuster ang 29th edition ng Tabloids Organization in Philippine Sports Inc. (TOPS) Usapang Sports noong Huwebes sa National Press Club.
Suportado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), National Press Club (NPC), Philippine Sports Commission (PSC) at Community Basketball Association (CBA) ang TOPS.
Humanga at nganga sa katuwaan ang lahat sa husay at galing ng mga pambato ng Philippine Mind Sports Association Inc. na pinamumunuan ni Anne Bernadette “Coach AB” Bonita. Kung numero, salita, playing cards at iba pa ang pag-uusapan wala ng tatalo kina Pinoy Memory Grandmaster Enzo Gabriel Castillon, junior memory and Big Shot PH star Jan Jelo Juanir at Kids Memory champion Chloe Andrea Galamgam.
Tunay na nakabibilib ang mga bata.
Natuldukan din ang pagsali ng SOCCSKSARGEN MARLINS sa MPBL na dumating sa talakayan. Palaban ang Marlins na suportado ng Armor On. Huwag magulat kung gumawa ng malaking ingay ang Marlins na hahawakan ni Biboy “Pistolero” Simon.
Higit ring nakatutuwa ang pagdating ng pangulo ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD) na nais pataasin ang kaalaman at kamalayan ng sambayanan sa buting naidudulot ng responsableng pagma-may-ari ng baril sa aspeto ng kabuhayan at maging sa kompetisyon. Hindi maitatangging may negatibong dating ang baril, ngunit ito ay malayo sa katotohanan, ayon sa youthful president ng AFAD na si Alaric Topacio.
Hawak ng AFAD ang karangalan bilang organisasyon na nagdaraos ng pinakamalaki at pinakamatagumpay na gun show sa bansa. Mayroon itong dalawang gun shows ngayong taon (Defense & Sporting Arms Show sa Hulyo 11-15 at sa Nobyembre 14-18). Gagawin ang mga gun show sa Megatrade Hall ng SM Megamall sa Mandaluyong City at huwag magulat kung dagsain ito ng sangkaterbang miron.
“We’re inviting everyone to visit the AFAD Defense & Sporting Arms Show where you can find the best quality and world-class brand and gun accessories offered by our members whose in business for a long time,” ani Topacio.

Read more...