BUMABA ang singil ng Manila Electric Company sa buwan ng Hulyo, ang ikatlong sunod na buwan na bumaba ang presyo ng kuryente.
Ayon sa Meralco baba sa P9.9850 kada kilowatt hour ang singil mula sa P10.0918 kada kWh noong Hunyo.
Ang pagbabang P0.1068 kada kWh ay nangangahulugan ng bawas na P21 sa mga kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan. Mula noong Mayo ay P0.57 kada kWh na ang ibinaba sa singil.
Bumaba ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (mula P5.4158/kWh ay naging P5.4227/kWh) pero bumaba ang singil ng Independent Power Producers ng P0.2239/kWh kaya hindi ito naramdaman.
Ang pagbaba ng singil ngayong buwan ay bunsod umano ng mas mababang Transmission charge sa residential customers (P0.0788/kWh pagbaba). Bumaba rin ang buwis ng P0.0349/kWh.
Bumaba rin ng P0.0731/kWh ang singil alinsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission sa sobrang nasingil sa cost adjustment.
Tumaas naman ang Universal Charge-Stranded Contract Cost na nagkakahalaga ng P0.0543/kWh, alinsunod sa utos ng ERC.