Itlog kada araw pangontra sa diabetes

BIRUIN mo, malaking tulong pala ang pagkain ng isang itlog kada araw.

Iyan ay kung pagbabasehan ang isang pag-aaral na ginawa sa Europe.

Ayon dito, nakakatulong umano ang pagkain ng itlog araw-araw para makaiwas sa type 2 diabetes.

Pinag-aralan ng mga mananaliksik sa University of Eastern Finland, ang 239 blood serum samples ng mga lumahok sa Kuopio Ischaemic Heart Di-sease Risk Factor Study.

Hinati sa apat na grupo ang mga dugo—ang mga kumakain ng itlog araw-araw, kumakain ng dalawang itlog kada linggo, ang mga kumakain ng itlog na nagkaroon ng type 2 diabetes at ang mga hindi pa nagkakaroon ng diabetes.

Tumagal ng 19.3 taon ang pag-aaral sa mga kalahok.

Ayon sa resulta na nailathala sa Molecular Nutrition and Food Research ang mga lalaki na kumakain ng itlog araw-araw ay mas mababa ang tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes. Iniuugnay ito sa lipid molecule ng itlog.

Natukoy din sa pag-aaral na ang mataas na lebel ng amino acid tyrosine sa dugo ay nagpa-pataas ng tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes.

Kaya lang mayroong mga naunang pag-aaral na kailangang bawasan ang pagkain ng itlog dahil nagpapataas ito ng cholesterol.

Isang pag-aaral naman ang nagsasabi na kailangan ng katawan ang itlog dahil sa taglay nitong nutrients na mahalaga upang maging malusog ang katawan.

Magsasagawa pa ng mga pag-aaral upang matukoy kung anong component ng itlog ang nakakatulong sa pagpapababa ng tyansa na magkaroon ng type 2 diabetes.

Read more...