Matteo inilibot si Sarah sa kampo ng militar: Na-shock siya, pati family ko…

PROUD na proud si Matteo Guidicelli sa kanyang sarili dahil sa kabila ng matinding hirap ay napagtagumpayan pa rin niya with flying colors ang pinagdaanang military training.

Worth it daw ang lahat ng kanyang pagod at pagsasakripisyo sa loob ng Camp Tecson sa Bulacan dahil napakarami niyang natutunan sa halos isang buwan nilang Scout Ranger training.

Pero inamin ng binata na bago siya sa pumasok sa kampo ay hindi talaga pabor ang kanyang girlfriend na si Sarah Geronimo sa naging desisyon niya, pati na rin ang pamilya niya.

“Sila lahat ayaw muna nila baka masaktan daw ako, mga ganyan. Sa umpisa ayaw pa rin nila. Sabi nila, ‘You’re in the middle of your career. You’re 29 years old. You’re in show business. Why would you leave everything behind?’

“But I felt like this is an opportunity of a lifetime. A skill set, lessons learned that nobody can take away. So I had to do it. Okay naman. Masaya naman sila na successful lahat,” pahayag ni Matteo nang makausap namin at ng iba pang members ng media sa Sun Life Kaakbay presscon kamakalawa.

Nang bumisita nga raw si Sarah at ang pamilya niya sa kampo ay napakasaya niya dahil talagang na-miss niya ang mga ito nang bonggang-bongga. Buti nga raw hindi siya nakita ng mga ito noong mga unang araw niya sa training camp.

“Buti nagdalaw sila after a week so medyo emotionally stable na ako. Nu’ng dumalaw sila tinour ko sila sa ranger camp at na-shock sila kasi iba eh, siyempre military yung buhay nila du’n so I’m blessed to be given the opportunity. So na-accomplish ko naman,” kuwento ng binata na isa sa mga loyal ambassador ng Sun Life Financial.

Nagpapasalamat din si Matteo kay Sarah dahil napaka-supportive girlfriend nito sa kanya. At kahit alam niyang nag-aalala ito sa kalagayan niya sa training ay matapang pa rin nitong sinusuportahan ang kanyang mga pangarap.

“Sabi ko, ‘Love, naawa ka ba sa akin?’ Sabi niya, ‘Eh, gusto mo yan eh. Bahala ka na.’ Ha-hahaha!” hirit pa ni Matteo. Hindi rin niya malilimutan ang graduation nila kamakailan dahil nandu’n si Sarah at ang family niya,“It was very emotional. Masaya, hindi ko talaga yun makakalimutan sa buong buhay ko.”

Read more...