Grace Poe: ‘Ombudsman’ ng train riders

 

NAKAGAWIANG biro na natin sa ating mga mambabatas, partikular na sa ating mga senador, na sila ay pawang mga miyembro ng “angkas”.

Hindi yung literal na bike-hailing service, kundi dahil sa pagkahilig nila na sumakay sa mga maiinit na isyu sa bansa. Sa simpleng salita, “angkas nang angkas” sa mga isyu kahit wala namang saysay ang mga sinasabi.

Iba naman ang tawag ng yumaong kauna-unahang tri-media titan na si Louie Beltran, sa mga mahilig makisakay sa isyu: “Mga kasapi  ng Paniki Brigade na nakikiangkas sa estribo ng kasaysayan.”

Para mapasama sa balita, naging bahagi na ng ritwal ng mga pulitiko, ang araw-araw na pagbabasa ng diyaryo, magpaunlak ng panayam sa mga radio commentators at basahin ang buod ng mga balita at mga komentaryo.

Ito ang magiging basehan naman para makapagkomento ang mambabatas at makasakay sa isyu para mapasama sa balita sa telebisyon sa gabi at maging bahagi ng headline sa diyaryo at radyo kinabukasan.

Kung mangyayari ito, quota na para sa mga senador.

Kinabukasan ibang isyu naman ang sasakyan ng mga mambabatas. Ganito ang senaryo sa araw-araw at bahagi na ng kultura ng mga pulitiko.

May mangilan-ngilan pa rin namang senador na may paninindigan sa iba’t ibang isyu, yung iba may sariling adbokasiya at ipinaglalaban.

Isa sa masasabing hindi natitinag sa ipinaglalabang isyu ay si Sen. Grace Poe. Dahil sa kanyang malasakit sa mga pasahero ng MRT, LRT, PNR maaari nang tagurian si Poe na “Ombudsman ng train riders”.

Sa nakalipas na mga taon, hindi inabandona ni Poe ang kanyang adbokasiya para matiyak na mapaganda ang operasyon ng train system sa bansa.

Ito’y sa harap naman ng nararanasang aberya sa MRT at LRT at ang mga kalbaryo pa rin ng mga pasahero.

Patuloy na isinusulong ni Poe ang reporma at modernisasyon ng train system kung saan kamakailan binatikos niya ang DOTr sa nararanasang pa ring aberya partikular sa MRT.

Sinisingil ni Poe ang naunang mga pangako ng DOTr at pamunuan ng MRT na matapos namang tiyakin nito na mapapabuti ang operasyon nito at giginhawa sa pagsakay ang mga pasahero.

Nitong mga nagdaang araw, sunod-sunod na naman ang off-loading sa MRT. Sinabi pa ni Poe na hinihintay niya na maipatupad ang mga pangakong maayos na sistema sa MRT.

Bukod sa pagsusulong sa kapakanan ng mga train riders, may mga iba pang importanteng adbokasiya na sabay na isinusulong ni Poe.

Isinusulong din niya ang mga panukalang batas para sa mga mahihirap kagaya ng libreng tanghalian sa paaralan, komprehensibong care package para sa mga nanay at sanggol.

Matapos manalo sa nakaraang eleksiyon at makakuha ng 21 milyong boto, maaaring gustuhin ni Poe na magpahinga muna, bagamat hindi niya ginawa at piniling bumalik na sa trabaho at pagseserbisyo.

Read more...