Danilo Barrios 2 na ang anak kay ‘first love’ 

NAKAKATUWA rin ang kiwento ng buhay at love story ng former Streetboys member at dating young actor na si Danilo Barrios. Very inspiring din ang kuwento nila ng kanyang misis na si Regina.

Una silang nagkakilala through common friends. Seventeen pa lang si Regina that time habang nagsisimula pa lang noon bilang member ng dance group na binuo ni Direk Chito Roño si Danilo.

Pagkatapos ay pinupuntahan na ni Danilo si Regina sa kanyang school. Pero nalaman ng magulang ni Regina kaya natigil ang kanilang pagkikita.

“First love ko yun, pero parang ayaw ko na nga ulit ma-in love. Kasi parang ang sakit-sakit. Tapos bigla na naman kaming nagkita sa Facebook. Nag-hi, hello. Tapos sabi ko sa kanya, ‘Nakikilala mo pa ba ako?’ Sabi niya, ‘Bakit hindi ko makikilala ang unang pag-ibig ko,’” kwento ni Regina.

After 12 years nga, nag-meet ulit sila and by that time, may anak na si Danilo sa model na ex-girlfriend niya. Destiny daw ang nagbalik sa kanila sa isa’t isa.

“Opo, totoo po pala na may ganoon,” lahad ni Regina. “Pero hindi po ako nanligaw sa kanya. Basta nagkita lang po kami. Tapos nagkasundo kami na, nu’ng una pa nga nagalit ang parents ko kasi sabi nila, ‘May anak na ‘yan. Okey ka lang ba?” kuwento ni Regina.

Pero dahil mahal niya si Danilo kaya ‘di raw niya pinakinggan ang kanyang magulang. Sa ngayon, mag-aanim na taon na silang magkarelasyon.

May dalawa na rin silang anak, sina Ysabelle at Hugo na parehong pinanggalingan ng pangalan ng kanilang mga negosyo.

Ang Ysabelle Spa & Skin Clinic at ang Hugo clothing. May jewelry online business din sila, ang My Precious One.

Bukod diyan, may beauty clinic din sila, ang TatioActive DX Beauty & Wellness Center sa DM Ragasa Bldg., Sct. Castor, Quezon City.

Ilan sa mga celebrity endorsers nila ay sina Kris Bernal, Sugar Mercado, Ruru Madrid at syempre, kasama na rin diyan si Danilo.

“Pero mag-e-end na ang contract ni Ruru sa amin this year,” paglilinaw ng dating matinee idol.

Isang Japanese ang stepdad ni Regina na nagwo-work sa Tatiomax Pharma Corporation. Kasama ng ina ni Regina ang kanyang stepdad na naninirahan sa Japan for 35 years.

Aminado si Danilo na may mga struggles pa rin siyang nae-encounter bilang businessman. Araw-araw ay may natutunan daw siya.

“Maraming mga bagay na minsan hindi ko naiintindihan. Ipaiintindi niya (Regina) sa akin. And then, lalo na ‘yung kapag kumakausap ka ng tao. Minsan ako, short na ‘yung temper.  ‘Yung iba po kasi nagmumura, e. Siyempre ikaw, as asawa, minumura ‘yung asawa mo, nasasaktan ka rin, ‘di ba,” lahad ni Danilo.

Walang kakurap-kurap na inamin ni Danilo sa amin na mas mahirap daw ang maging negosyante kesa mag-artista.

“Halos parehas lang naman, pero kasi ‘yung commitment din. Sa business iba ‘yung commitment dahil iba-ibang tao ang kausap mo. Minsan ‘yung iba hindi mo sila harap-harapan nakikita through phone lang. So, mahirap umintindi rin at bumasa ng tao,” lahad ng aktor.

Plano nina Danilo at Regina na kumuha ng business course in the near future. Pero hindi pa raw ngayon dahil maliliit pa ang kanilang mga anak.

Tungkol naman sa pagbabalik-showbiz, hindi niya isinasara ang kanyang pinto para rito. Okay sa kanya ang mga guesting tulad ng ginawa niya sa Home Sweetie Home kung saan nakasama niya ang mga dating kasamahan sa Streetboys na sina Vhong Navarro at Jhong Hilario.

Read more...