NAPAKARAMING hinayang na hinayang sa isang guwapo at magaling umarteng male personality.
Napakaganda ng kanyang pagsisimula pero biglang inalat ang kanyang career dahil na rin sa kanyang kapabayaan.
Bibihira ang ganu’ng kumbinasyon, pero hindi pa inalagaan ng guwapong aktor, wala siyang disiplina sa oras, kaya palagi siyang kasali sa palabas sa una, pero sa kalagitnaan ng istorya ay bigla na lang siyang nawawala sa eksena.
Kuwento ng aming source, “Nu’ng una, e, pinagbibigyan pa siya ng production dahil sa sobrang pakikiusap ng isang manager na tumutulong sa kanya.
“Hindi niya manager ‘yun, tumutulong lang sa kanya, pero sinawaan din sa kanya! Saan ka naman kasi makakakita ng artistang alas nuwebe nang umaga ang calltime niya, pero dumarating nang alas dos nang hapon na?
“Tawag nang tawag sa kanya ang production staff, pero hindi niya sinasagot. Pinapatay pa nga niya ang phone niya, kaya paano naman siya magtatagal sa kahit anong show kung ganu’n ang attitude niya?” umpisang chika ng aming impormante.
May mga nagsasabi na hindi kasi siya nakaranas ng kahirapan sa buhay, mayaman kasi ang kanilang pamilya, sunod ang lahat ng kanyang layaw at kapritso.
Kinontra ‘yun ng isang source, “Napakarami namang personalities na mula rin sa mayayamang pamilya, pero nakikita naman natin kung paano nila alagaan ang career nila, di ba?
“Hindi katwiran ‘yun! Kung gusto niya talagang maging maayos ang career niya, e, sa kanya mismo dapat manggaling ang pagbabago. Kailangang bigyan niya ng halaga ang magagandang opportunities na dumarating sa kanya.
“Ewan naman sa taong ‘yun! Kagaganda naman ng mga relo niya, puro branded pa nga, pero bakit palagi siyang sablay sa oras? Meron na bang chance na on time siyang dumating sa set?
“Waley! Palagi siyang late, puwede na nga siyang tawaging ‘the late ____ (pangalan ng male personality),’ dahil sa kawalan niya ng disiplina sa oras!
“Hanggang hindi siya nagkakaroon ng disiplina sa oras, e, huwag na siyang umasang kukunin pa siya ng mga production. Wala siyang magiging trabaho dahil palagi siyang cause of delay!” nakaismid na pagtatapos ng aming source.
Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, sayang na sayang siya, ang pogi-pogi pa naman ng aktor na ‘yun! Getlak n’yo na kung sino siya?