NAGING biktima rin pala ang Eat Bulaga Dabarkads na si Ryzza Mae Dizon ng pambu-bully noong sumali siya sa “Little Miss Philippines”.
Six-years old pa lang daw si Ryzza nang mangyari ang nasabing insidente sa Eat Bulaga noong 2012. Ito ang ikinuwento ng TV host-comedian na si Joey de Leon sa “Boom” segment ng kanilang noontime show kahapon. Napag-uusapan ang tungkol dito dahil sa pagbabalik nga ng Little Miss Philippines sa Eat Bulaga ngayong 2019.
Kuwento ni Joey, isang mestiza at supladitang contestant din sa Little Miss Philippines ang nam-bully noon kay Ryzza Mae. Dito pinilit ni Joey na magkuwento ang Kapuso child star at TV host tungkol sa nangyari pero naunahan ng hiya ang bagets.
“Sabihin mo, okey lang yun. Nanalo ka naman, e,” chika pa ni Joey kay Ryzza. “Ano ang sabi sa ‘yo? Ikaw ha, nagdadalaga ka na. Gusto mo sabihin ko? Ganyan ba talaga kapag lumalaki na, nagdadalaga, nahihiya na? May sinabi sa ‘yo yung Inglesera mong kalaban, e,” pagpapatuloy pa ni Joey.
At dahil na rin sa pamimilit ni Joey, napilitan na rin si Ryzza Mae na magkuwento tungkol sa naranasang pambu-bully ng isa sa mga nakalaban niya sa Little Miss Philippines 2012 kung saan siya nga ang itinanghal na grand winner.
“We’re a princess, you’re a monster!” ang natatandaan daw niyang sinabi sa kanya ng kapwa bata.
Hirit naman ni Joey, “O nasaan siya ngayon? Malaki na rin yun ngayon!” Na sinundan naman ni Maine Mendoza ng, “Nasaan siya ngayon at nasaan ka ngayon?”