NITONG nakaraang Lunes, July 1, ay naging abala sa pag-ikot sa oath taking ceremony ng ilang mga nanalong alkalde sa Metro Manila ang isang nagpapakilala bilang “kingmaker.”
Feeling niya at talagang press release niya sa mga nakakakilala sa kanya at sa industriyang kinabibilangan niya na siya ang dahilan kung bakit nanalo ang ilang mga bagong alkalde rito sa Metro Manila.
Bida-bida itong ating bida, at sa pamamagitan ng kanyang social media account ay kanyang ibinandera kung paano nga raw niya naipanalo ang nasabing mga pulitiko.
Ito ay sa kabila ng pagkakaroon nila ng mga mabibigat na kalaban nitong nagdaang halalan.
Pero kinontra ito ng ilan sa ating mga crickets na tambay sa ilang mga city hall dito sa Metro Manila.
Kilalang-kilala nga raw ang ating bida bilang isang credit grabber.
Pero totoo naman daw na naging busy siya nitong nakaraang eleksyon.
Ikinuwento ng isa sa aking mga cricket kung paano inabandona ng ating bida ngayon ang kampanya ng isang natalong mayor.
At alam n’yo ba ang itinuturong dahilan ng hindi nila pagkakaunawaan?
Nagtalo sa talent fee ang ating bidang PR specialist at kanyang kliyenteng talunan.
Nang matunugan niyang lamang sa kampanya ang kalaban ni mayor ay kaagad siyang lumipat sa kalaban nito at pilit na iginiit ang kanyang gagamiting strategy para pataubin ang dati niyang kliyente na kandidato rin.
Sinabi ng aking cricket na nakalatag na ang programa at gagamiting taktika bago pa pumasok sa kanilang kampo si Mr. Kingmaker kaya malabong siya ang dahilan at nanalo ang bagitong alkalde na ito.
Ganito rin ang kanyang ginawang diskarte sa isa ring bagitong mayor na galing sa kilalang political clan dito sa Metro Manila.
Huli na nang siya’y mapasama sa grupo pero inaangkin pa rin niya ang credit sa pagkapanalo nito sa nagdaang eleksyon.
Kilala sa media industry ang ating bida sa ating kwento ngayong araw dahil nagmula rin siya sa sektor na ito.
Siya ay si Mr. A…as in Airwolf.