TINGIN ng ilang mambabatas, nabawasan ang pogi points ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco nang magsalita si Pangulong Duterte kaugnay sa pag-atras nito sa term sharing sa pagka-speaker.
Kung ang kwento kasi ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang pakikinggan, tapos na dapat ang boksing sa speakership race kung hindi nag-back out ang kampo ni Velasco sa term sharing.
Sa kwento ng Pangulo mauuna si Cayetano pero 15 buwan lang siya uupo at si Velasco naman ang magsisilbi sa 21 buwang nalalabi. Kung pumayag daw si Velasco ay wala na sanang pinoproblema si Presidente.
Sa pag-atras ni Velasco sabi ng Pangulo hindi na siya makikialam, maglabo-labo na lang daw sila at hindi na lang silang dalawa
dahil kasama na sa litrato si Leyte Rep. Martin Romualdez.
Mas malabo na rin ang term sharing ngayon na nariyan na si Romualdez.
Talagang ang mangyayari ay paramihan ng boto para manalo.
Nang pumunta si Velasco sa Malacanang bitbit ang ilang kongresista kasama ang mga bagitong solons para sa isang dinner sa imbitasyon ni presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte, may mga nag-isip na baka ito na ang pinakahihintay nilang senyales.
Pero nabigo sila, hindi itinaas ng Pangulo ang kamay ni Velasco, na kanyang kapartido sa PDP-Laban.
Nagsabi pa ang pangulo na may announcement siya sa Hunyo 28 (at ang naging announcement ay wala siyang ieendorso).
Sabi ng mga solon, kung talagang gusto ng Pangulo si Velasco noon pa niya itinaas ang kamay nito para wala ng sakitan, tapos na ang laban agad.
Pero nang hindi itaas ang kamay ni Velasco ay nabuhayan ang kampo nina Cayetano at Romualdez.
Iba’t ibang anggulo tuloy ang tinitignan ng mga botanteng kongresista, talaga bang malakas si Velasco sa Pangulo?
O may mas malakas sa kanya? O baka iba talaga ang napupusuan nito at ayaw lang mapahiya si Velasco kaya nagdeklara na lang ng labu-labo.
Dalawang linggo mula ngayon ay umaasa ang mga kongresista na tapos na ang sigalot sa pagpili ng magiging lider ng Kamara.
Ang tanong ay kung sino ang susuko.
Maraming kongresista rin ang mahihirapan kung ang tatlo ang tatakbo sa botohan sa plenaryo sa umaga ng Hulyo 22.
May mga kongresista kasi na pumirma sa manifesto of support sa tatlo—hindi lang namamangka sa dalawang ilog kundi sa tatlong ilog.
Sino ang unang susuko?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...