Laro Ngayong Sabado (Hulyo 6)
(Malolos Sports & Convention Center)
4 p.m. Marinerang Pilipina vs Foton
6 p.m. Petron vs PLDT
Team Standings: F2 Logistics (6-0); Generika-Ayala (4-1); Petron (3-1); Cignal (2-3); PLDT (2-3); Foton (2-3); Sta. Lucia (1-5); Marinerang Pilipina (0-4)
MATAPOS ang kanilang pagtungo sa Visayas, panorte naman ngayong Sabado ang 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference sa pagtutuos ng Petron Blaze Spikers at PLDT Home Fibr Hitters sa Malolos Sports and Convention Center sa Malolos City.
Magsasalpukan ang Petron at PLDT dakong alas-6 ng gabi matapos ang hatawan ng wala pang panalo na Marinerang Pilipina Lady Skippers at Foton Tornadoes Blue Energy sa unang laro ganap na alas-4 ng hapon.
Ang kinikilala bilang team to beat sa pagsungkit ng titulo sa nakalipas na dalawang taon, ang Blaze Spikers ay agad naman nagparamdam matapos magtala ng tatlong sunod na panalo bago tumiklop sa apat na set sa matinding karibal na F2 Logistics Cargo Movers noong nakaraang linggo.
Agad naman bumangon sa pagkatalo sa F2 Logistics ang Petron matapos talunin ang Cignal HD Spikers sa loob ng limang sets.
Kaya naman pinaalalahanan ni Blaze Spikers head coach Shaq Delos Santos ang kanyang mga manlalaro na gawing motibasyon ang kabiguan sa Cargo Movers para maglaro ng mas mahusay sa kanilang mga susunod na laro.
Patuloy naman na sasandigan ni Delos Santos sina Frances Molina, Aiza Maizo-Pontillas, Mika Reyes, Remy Palma at Sisi Rondina para makuha ng Petron ang ikaapat na panalo kontra PLDT na hangad naman ang ikatlong pagwawagi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.