Luis, Jessy puro press release lang ang pagpapakasal, naunahan pa nina Angel at Neil


TAWA kami nang tawa sa komento ng mga kaibigan namin na hanggang puro press release lang daw naman sina Luis Manzano at Jessy Mendiola na magpapakasal na sila.

Puro ganu’n lang daw naman ang dalawa dahil naunahan pa sila ni Angel Locsin, ex ni Luis, na engaged na ngayon sa businessman na si Neil Arce.

Maraming maligayang-maligaya para kay Angel Locsin, lalo na ang mga taong malapit sa kanya na sukat na sukat siya kung paano magmahal, boto silang lahat kay Neil Arce na mula pa nu’n hanggang ngayon ay nagpapakita ng katapatan sa magandang aktres.

Wala pa silang binabanggit na mga detalye kung kailan magaganap ang kasalan pero ang pagiging engaged pa lang nila ay isa nang malalim na ebidensiyang nakakompromiso na sila sa isa’t isa sa pagharap sa altar.

May nakakuwentuhan kaming kaibigan nina Neil at Angel, maganda ang ginagawa nilang paghawak sa kanilang relasyon, binibigyan nila ng suporta at pag-intindi ang trabaho ng bawat isa.

Kuwento ng aming source, “Alam ni Neil na walang oras ang trabaho ng mga artista. Producer din kasi siya. Alam niya na may mga nangyayaring abala sa set, kaya naiintindihan niya kung bakit hindi nakauuwi agad si Angel mula sa taping.

“Si Angel naman, naiintindihan din niya ang work ni Neil, hindi lang naman kasi producer ‘yung boyfriend niya, businessman si Neil at mara-ming inaasikasong negosyo.

“So, kapag ganu’n na nagkakaintindihan na sila sa nature ng work nila, e, wala nang nagiging problema,” kuwento ng aming source.

Read more...