PINAYUHAN ng mga kongresista si Sen. Manny Pacquiao na huwag makialam sa Kamara de Representantes.
Sinabi rin nina Sagip Rep. Rodante Marcoleta at Capiz Rep. Fredenil Castro na dapat kilalanin ni Pacquiao ang interparliamentary courtesy dahil pantay ang Kamara de Representantes at Senado.
“Bakit dito (House of Representatives) ka (Pacquiao) nage-endorso? Sa Senado, bakit hindi mo i-endorso na ang Senate President dapat ay PDP-Laban? Bakit ang inaasinta mo dito ang speakership? Hindi ka naman makakaboto dito dahil hindi ka naman congressman,” ani Marcoleta.
Nauna rito ay inanunsyo ni Pacquiao ang pag-endorso nito kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagka-speaker. Ang dalawa ay magkasama sa PDP-Laban.
Kinuwestyon naman ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez ang pag-endorso kay Velasco nang hindi umano dumadaan sa konsultasyon ng mga miyembro. Si Alvarez ang secretary gene-ral ng PDP-Laban.
Sinabi rin ni Castro na mayroong mga miyembro ng PDP-Laban na kumukuwestyon sa ginawang anunsyo ni Pacquiao.
Hirit naman ni Albay Rep. Joey Salceda, miyembro ng PDP-Laban, na maaaring may karapatan si Pacquiao na suportahan si Velasco pero hindi naman niya ito maiboboto.
“That is his (Pacquiao) right, but he cannot vote in the House.
Pangalawa ‘di madadaan sa takutan ‘yan,” aniya.