NOONG Biyernes, naglabas ng bagong bigas ang National Food Authority (NFA) na well milled rice sa halagang P32 kada kilo. Ito’y bukod sa P27 na NFA rice na binibenta sa merkado na ang pangunahing intensyon ay may mabili na mas abot ng kanilang bulsa ang mga mahihirap na Pilipino na hindi kayang bumili ng mga commercial rice na pumapalo ngayon hanggang P45 kada kilo.
Obvious ang hakbang ng NFA, nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA), sa desisyon nitong maglabas ng bigas sa merkado ay konektado sa gagawing State of the Nation Address ni Pangulong Aquino bukas. Palibahasa nga kasi ay nagtaasan ang presyo ng bigas ng P2 hanggang P3 kada kilo kamakailan?
Ang pagtaas ng bigas ay idinadahilan ng DA dahil sa lean months o ito ang mga buwan na walang mararanasang anihan ang magsasaka kaya walang maraming suplay ng bigas sa merkado, kaya tumataas ang presyo nito.
Ano man ang dahilan ng DA, ito’y taliwas sa ipinangako ni PNoy na rice self-sufficiency by 2013 sa mismong kanyang nakaraang mga speech. Dahil sa kabiguan ng DA na maabot ang target nito, iniurong na ng gobyerno ang rice self-sufficiency nito ng 2014. Hahaha! Ibig sabihin lang nito na patuloy pa rin ang pag-angkat ng NFA ng bigas mula sa ibang bansa para masigurong sapat ang bigas sa ating bansa.
Sinasabi ng gobyerno na gumaganda ang ekonomiya. Pero ibahin ninyo ang masa, ang batayan nila na gumaganda ang ekonomiya ay kung mababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalu na ang bigas na siyang pangunahing pagkain sa bansa.
Nauna nang sinabi ng mga tagapagsalita ng Malacañang na ang pagtaas ay pansamantala lamang ngunit base sa karanasan na rin ng mga mamamayan, kapag tumaas na ang bigas, hindi na ito bumabalik sa dati. Ang pangit pa rito, ginawa ang pagtataas bago ang SONA kayat hindi na tuloy maaaring sabihin ni PNoy na may mura at sapat na bigas sa bansa.
Tuwing SONA, bukod sa bigas, ang nagiging batayan ng mga ordinaryong tao sa pagbibigay ng grado kay PNoy ay kung bumababa ang presyo ng mga binabayarang bills ng bawat mamamayan.
May nakaambang pagtaas ng singil sa tubig. Ito’y sa harap na rin ng petisyon ng Maynilad at Manila Water sa MWSS na payagan ang kanilang pagtataas. Paano naman ito iuulat sa bayan ni PNoy?
Kamakailan, nadiskubre ng MWSS na maging ang buwis na binabayaran ng dalawang kumpanya ng tubig at ang mga biyahe ng mga opisyal nito sa ibang mga bansa ay ipinapasagot sa mga kostumer ng mga ito. Ngayon pa lamang, asahan na ang pag-alma ng mga mamamayan sakaling aprubahan ng MWSS ang water rate hikes at hindi aksyunan ang mga nadiskubreng ginagawa ng mga water companies.
Bagamat masaya ang lahat matapos pormal nang ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mahigit 6,000 ektarya ng lupa ng Hacienda Luisita sa mga benepisyaryo nito, hindi rin maiiwasang isipin na itinapat ito sa SONA ni PNoy bukas.
Matagal nang naging hamon kay Pangulong Aquino na ipatupad ang naging desisyon ng Korte Suprema na ibigay na sa mga magsasaka ang mga lupa na sakop ng Hacienda Luisita na pag-aari mismo ng pamilya ng pangulo.
Naging tahimik si PNoy sa isyu ng Hacienda Luisita kayat sa ginawang pamamahagi ng DAR, asahan na kaya natin si PNoy na magsalita hinggil dito sa kanyang SONA bukas? Abangan na lang natin.
Bukas ay idaraos na ni Pangulong Aquino ang kanyang ika-apat na SONA. Inaasahang ilalahad niya ang kanyang mga nagawa sa nakalipas na mahigit tatlong taon ng kanyang panunungkulan at ang kanyang mga pangakong tuparin bago ang kanyang susunod na SONA. Ngayon pa lamang samu’t-sari na ang reaksyon ng mamamayan hinggil sa SONA ni PNoy. Bagamat nararapat lamang na pakinggan, para sa ordinaryong Pilipino, mas importante sa kanila ang pagkayod para makaraos sa araw-araw. Sa nalalapit na kulang tatlong taong panunungkulan ni Aquino bago siya bumababa sa 2016, maramdaman na sana ng mga mahihirap ang sinasabing pagganda ng ekonomiya ng bansa at hindi lamang ang mga mayayaman ang nakikinabang hinggil dito.
May komento, reaksyon, tanong o sumbong? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.