COCO: Pwede arborin ko na lang siya, halos lahat na kasi naibigay ko na sa showbiz!


TALK of the town ngayon ang diumano’y pagpapakasal ni Coco Martin sa isang Canadian citizen dahil married na raw ang status nito sa Canadian passport niya.

Ilang taon na ang nakaraan ay nabanggit ni Coco sa media na pumunta siya ng Canada para maging waiter sa isang restaurant sa loob ng isang taon at kalahati na hindi niya natagalan dahil wala siyang ginawa sa araw-araw kundi maglampaso ng sahig hanggang hatinggabi.

Ito ‘yung panahon na walang-wala pa talaga siya. Pero bumalik nga uli sa Pilipinas si Coco dahil hindi raw niya kaya ang buhay sa Canada at dito na nagsimula ang magandang takbo ng showbiz career, hanggang sa nagkasunud-sunod na ang ginagawa niyang pelikula at kinilala na bilang Prince of Indie Films bukod pa sa mga tropeong natatanggap niya mula sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Kung totoong ikinasal si Coco for convenience ay tiyak na wala na itong bisa dahil para maging citizen ka sa Canada ay kinakailangan mong manatili roon ng ilang taon.

Maliban na lang daw kung dito sa Pilipinas nagpakasal ang Canadian citizen at ipepetisyon niya ang napangasawa sa Canada, sabi sa amin ng isang citizen doon.

“Kung nagpakasal siya (Coco), di pa Canadian passport ang dala niya dapat munang ipetisyon siya nu’ng pinakasalan at hindi siya puwedeng umalis ng Canada until maayos ang papeles niya,” paliwanag sa amin.

Dagdag pa, “Maliban na lang Reggs, kung pinaayos ang papers sa Canada, pero thousands of dollars ang magagastos.” Pero mukhang malabo namang ipinaayos ni Coco ang papeles niya dahil sa panahong iyon ay walang-walang nga siyang pera kaya nga siya bumalik ng Pilipinas dahil sa hirap ng buhay.

At isa pa, Philippine passport daw ang gamit ni Coco kapag umaalis siya ng bansa. Sa panayam ng mga katoto sa ginanap na Yahoo OMG Awards sa MOA Arena kung saan napanalunan ni Coco ang Actor of the Year ay katakut-takot na habulan pa raw ang nangyari para lang makausap nila ito.

Sa ipinadalang audio interview sa amin ng katotong Glaiza Jaroc, narito ang sagot ni  Coco. “Actually, nagulat nga po ako, e, nandito lang naman ako, hindi naman ako umaalis, saan naman nila nakuha ‘yun?

Kung baga wala akong time. Parati kaming nagte-taping,” paliwanag ni Coco. Nabanggit din ng aktor na kung sakaling nakita na niya ang babaeng pakakasalan niya ay, “Siguro arborin ko na ‘yun para sa sarili ko, kasi halos lahat naman ay naibigay ko na sa showbiz. Gusto ko lang naman kasi ay tahimik at simpleng buhay for the future.”

At dahil hindi diretsong nasagot ng aktor kung totoong nagpakasal nga siya sa Canada, “Ha? Ang tagal-tagal na natin dito (nag-uusap), hindi, hindi totoo.”

Samantala, overwhelmed si Coco ng tawagin siya ng host na si Edu Manzano dahil sa walang humpay na hiyawan at kalampagan ng mga taong nasa loob ng MOA Arena nang tanggapin niya ang pangatlong tropeo niya mula sa Yahoo OMG Awards kaya naman abut-abot ang pasalamat niya sa lahat ng bumotong fans tulad ng Cocoholics, Cocopies, Cocolerkies, Cocojams, Cocosa, Cocolovers at nagbiro pa ang aktor na idagdag na rin daw ang Coconuts, Bucocopies, Coco juice na ikinatawa talaga ng mga tao.

Nagpasalamat din si Coco sa Dreamscape Productions para sa lahat ng projects na ibinibigay sa kanya na pawang top-rater simula nu’ng tumuntong siya ng ABS-CBN.

Kaagad ding umalis si Coco pagkatapos siyang makapanayam ng media dahil kinailangan na siyang bumalik sa taping ng fantaseryeng Juan de la Cruz.

( Photo credit to google )

Read more...