Trak nabangin: 3 patay, 10 sugatan

TATLO katao ang nasawi at di bababa sa 10 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang dump truck sa isang bangin sa Paracelis, Mountain Province, Miyerkules ng gabi, ayon sa pulisya.

Kabilang sina Lorrea Boccao, 7, at Lolita Vinoray, nasa ligal na edad, sa mga pasaherong dinala sa ospital sa Tabuk City, Kalinga, ngunt kapwa idineklarang dead on arrival, sabi ni Lt. Julius Ya-os, officer-in-charge ng Paracelis Police.

Kinailangan namang ilipat si Cresencia Puyao, nasa ligal na edad, sa Cagayan Valley Medical Center ng Tuguegarao City, ng gabi ring iyon, pero binawian ng buhay alas-8 ng umaga Huwebes, sabi ni Ya-os nang kapanayamin sa telepono.

Sa mga sugatan, walo pa ang nilulunasan sa mga pagamutan.

Sugatan din ang truck driver na si Rubenson Baguiwan, pero isinailalim na sa kostudiya ng pulisya para maimbestigahan, ani Ya-os.

Naganap ang insidente dakong alas-8:30, sa bulubunduking bahagi ng Sitio Cassag, Brgy. Bacarri.

Minamaneho ni Baguiwan ang Fuso dump truck mula Tabuk patungong Brgy. Bunot, Paracelis, nang mahulog ito sa banging may lalim na 30 talampakan.

Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang propeller shafts habang binabagtas ng trak ang paakyat na kalsada.

May kargang buhangin at ilang sako ng semento noon ang trak, maliban sa 13 katao, ani Ya-os.

“Itong mga pasahero, naki-hitch lang sila. Mga taga-doon kasi sila sa Bunot. ‘Yung trak naman papunta doon, galing ng Tabuk,” aniya. 

Read more...