Estudyante libre sa LRT2, MRT3, PNR

LIBRE na ang sakay ng mga estudyante sa Metro Rail Transit 3, Light Rail Transit 2 at Philippine National Railway mula Lunes hanggang Biyernes simula sa Hulyo 1.

Pero may oras lang kung kailan libre ang mga estudyante, ayon kay Transportation Sec. Art Tugade.

Ayon sa MRT3, libre ang sakay sa kanilang mga tren mula 5 hanggang 6:30 ng umaga at mula 3 ng hanggang 4:30 ng hapon.

Sa LRT2 ang libreng sakay ay mula 4:30 hanggang 6 ng umaga at 3-4:30 ng hapon.

At sa PNR naman ay mula 5-6 ng umaga at 3-4 ng hapon.

Wala namang libreng sakay ang mga estudyante kapag holiday.

Sinabi ni Tugade na mayroong oras ang libreng sakay upang mahikayat ang mga estudyante na pumasok ng maaga at huwag nang tumambay kapag uwian. Maituturing umano itong incentive sa mga estudyante.

Hanggang Biyernes lang umano dahil kung kasama ang Sabado at Linggo ay baka sa sinehan na magpunta, ayon kay Tugade.

Nang tanungin kung magkano ang mawawalang kita sagot ni Tugade: “Ang pinakamasarap na kita sa atin ay pag nakita natin na nakangiti ang mga tao. That’s the best return that we have.”

Sinabi ni Tugade na wala na ring babayarang terminal fee ang mga estudyante sa mga paliparan na pinatatakbo ng Civil Aviation Authority of the Philippines. Tatapusin lang umano ang implementing rules and regulation upang maipatupad na ito.

Wala ring terminal fee na babayaran ang mga mag-aaral sa mga port na pinatatakbo ng Philippine Ports Authority.

Sinabi ni Tugade na malaking bagay ang libreng sakay sa mga mahihirap na estudyante dahil maaaring mangahulugan ito na magkakaroon na ng palaman ang kanilang baong tinapay.

Read more...