Target ni Tulfo by Mon Tulfo
SUMAMA na sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang 400 na natitirang tauhan ng mga Ampatuan upang hanapin ang iba pang mga armas at bala na nakalibing sa iba’t ibang parte ng Maguindanao.
Yan ang sinabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Mga baril at bala ‘kanyo?
Lokohin ninyo ang lelong n’yong panot!
Hindi nila hinahanap ang mga baril at bala ng mga Ampatuan dahil nahanap nang lahat ng militar at pulisya ang lahat ng baril at bala ng mga Ampatuan.
Mas marami pang suplay ng bala ang mga Ampatuan kesa sa AFP.
Ang tunay na hinahanap ng MILF, mga dating tauhan ng mga Ampatuan, ng militar at pulisya ay ang mga perang ipinamahagi ng mga Ampatuan sa kanilang mga kamag-anak.
Noong isang linggo, nakakita diumano ang mga pulis ng P120 million sa compound ng mga biyenan ni Andal Ampatuan Jr.
Noong martial law sa Maguindanao, nakuha raw ng mga Army na nag-raid sa Ampatuan mansion sa Shariff Aguak ang halagang P400 million sa vault.
Hindi malaman kung nai-turn over ang mga halaga sa Malakanyang na nag-utos na i-raid ang mga mansion ng Ampatuan upang hanapin ang malaking halagang pera ng mga Ampatuan.
It is estimated that from P2 billion to P4 billion ang ninakaw ng mga Ampatuan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) na kanilang pinamunuan sa matagal na panahon.
Kung nai-turn over ng mga Army and police troopers ang mga halagang diumano’y nakita ng mga raiders, bakit tahimik ang Malakanyang?
Nakakasuspetsa tuloy.
Pero sinabi ng aking mga sources na ipinamahagi ng mga nakakita ang mga halagang natagpuan.
Either way—kung ibinigay man sa Malakanyang o hindi—masama ang kinalabasan ng iniutos na search ni Pangulong Gloria.
* * *
Marami pang pera ang naipamahagi ng mga Ampatuan sa kanilang mga kamag-anak.
Yan ang hinahanap ng militar, pulisya, MILF at mga dating tauhan ng mga Ampatuan.
Huwag tayong magtaka kung makipagbarilan ang grupo ng militar-pulisya at MILF-Ampatuan former private army dahil sa pera.
Ganid ang dahilan at hindi ideology.
* * *
Dapat siguro ay magkaroon ng massive education ang mamamayan tungkol sa panganib ng acute immuno-deficiency syndrome (AIDS) na nakamamatay.
Ang AIDS ay venereal disease na malala pa sa tulo at syphilis.
Laganap daw ang AIDS ngayon sa Pasay City na ibinulgar mismo ni Mayor Peewee Trinidad.
Sabi ni Trinidad, dapat magkaroon ng edukasyon ang mamamayan tungkol sa AIDS dahil maraming walang kaalam-alam tungkol sa panganib na dulot ng sakit na ito.
Iminungkahi ni Trinidad, at umaayon ang inyong lingkod, na dapat ay magpakalat ng komiks na libre tungkol sa AIDS.
Very effective ang komiks sa pagpapakalat ng impormasyon sa ano mang bagay ng gobyerno.
* * *
Kailangang mahuli ng Quezon City police ang pumatay ng walang awa kay Mar Jove Beltran, 24, nursing student na nakatira sa Teachers Village.
Si Beltran ay pinatay dahil napatingin siya sa isang grupo ng kalalakihan.
Masama raw siyang makatingin.
Baka sa mali lang ang direksyon ng pagtingin ng pobre sa mga kalalakihan sa San Francisco del Monte at siya’y kinursunada agad.
Hindi nakontento na bugbugin ng mga kalalakihan si Beltran, binaril pa siya ng mga ito kahit na nagmakaawa na siya.
Dapat siguro ay huwag bigyan ng puwang ang mga suspects kapag sila’y nahabol ng mga pulis.
Kapag sila’y pumorma, barilin din sila dahil armado naman ang mga ito.
Yan ang sinasabi ng mga legal gun holders.
Hinihigpitan ang mga licensed gun owners na huwag magdala ng baril dahil sa election ban..
Pero ano ang nangyayari? Ang mga kolorum na nagdadala ng baril ang siyang naghahari sa kalye.
BANDERA, 020210