Dapat sisihin sina GMA at Gibo sa masaker

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

ALAM ng Malakanyang at ni Defense Secretary Gibo Teodoro ang pagiging marahas ng mga Ampatuan pero di nila ito pinigil kaya’t nagkaroon ng masaker sa Maguindanao ng 57 katao.
Yan ang sinabi ni Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu ng Buluan, Maguindanao, na namatayan ng asawa, dalawang kapatid na babae at tiyahin sa masaker.
Ang ibang mga nasawi sa masaker ay 30 journalists.
Sabi ni Mangudadatu, kinausap siya ni Teodoro na huwag nang tumakbo na pagka-gobernador sa Maguindanao dahil ayaw ni Andal Ampatuan Jr. na may kalaban siya.
Binigyan daw siya ng warning ni dating Congressman Prospero Pichay, mataas na opisyal ng administrasyon ni Pangulong Gloria: “Mag-ingat ka, Toto. Violent ang mga taong yan.”
Maging si Gabriel Claudio, chief political adviser ng Pangulong Gloria, ay nagtawag ng miting ng mga Mangudadatu at Ampatuan.
Sa pagpupulong na yun, pinilit daw si Toto Mangudadatu ni Andal Ampatuan Sr. na huwag nang tumakbo.
Kung totoo ang mga sinabi ni Mangudadatu, dapat ay pinigil ni Pangulong Gloria ang mga Ampatuan na huwag gumawa ng karahasan.
Dapat din sana ay dinisarmahan ni Teodoro, na noo’y nasa puwesto pa, ang mga Ampatuan at ang kanilang mga tauhan.
Kasama sa mga nasamsam ng militar at pulisya ay mga kahon-kahon ng mga bala na may markang “Department of National Defense.”
Kung alam ng Malakanyang ang karahasan ng mga Ampatuan, bakit di nila kinumpiska ang mga baril at bala na ibinigay nila sa pamilya Ampatuan?
Alam nating lahat na kinalong ng Pangulo ang mga Ampatuan dahil sa diumano’y pandaraya ng mga ito sa Maguindanao upang manalo si GMA laban sa aktor na si Fernando Poe Jr. noong 2004 presidential election.
Dapat ay papanagutin sina GMA at Teodoro sa masaker sa Maguindanao dahil wala silang ginawang hakbang upang mapigil ang pinaka-marahas na insidente sa May, 2010 elections.
* * *
Alam ba ninyo ang naging reaksyon ng Malakanyang sa akusasyon ni Mangudadatu?
Sinisisi pa si Mangudadatu sa nangyari.
“Hindi ko alam kung ano pa ang dapat ginawa namin (matapos siyang binigyan ng warning),” sabi ni Palace Deputy Spokesman Gary Olivar.
Dagdag pa ni Olivar: “Nasa kandidato (Mangudadatu) na kung pinatuloy niya ang pagtakbo kahit na binigyan na siya ng impormasyon (tungkol sa mga Ampatuan).”
Tama ba ang tinurang yun ng Palasyo?
Di ba ang dapat ginawa ng Malakanyang ay pinagsabihan ang mga Ampatuan na huwag gumawa ng masamang hakbang?
Bakit ang binigyan lang ng warning ay ang mga Mangudadatu at hindi ang mga Ampatuan?
Ibig sabihin nito ay pinaboran ng Malakanyang at ni Teodoro ng mga panahong yun ang mga Ampatuan kesa mga Mangudadatu.
Dahil dito, lumaki ang ulo ng mga Ampatuan at akala nila ay makakagawa sila anumang karahasan na hindi mapaparusahan.
* * *
Kung hindi lang siguro naging malaki ang balita at nag-ingay ang media at nakarating ang balita sa ibang bansa, baka hindi kikilos si GMA.
Nang sinabi raw kay Gloria ang pangyayari sa Maguindanao, ang kanyang reaksyon daw magpadala ng investigation team sa Maguindanao sa halip na ma-shock.
Baka gusto pang pagtakpan ni Gloria ang kasalanan ng mga Ampatuan.

BANDERA, 020110

Read more...