Lucky Shot by Barry Pascua
MALAMANG na wala nang active player ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang mag-aapply para sa rookie draft ng Philippine Basketball Association habang ongoing pa ang kanilang basketball season.
Kasi nga’y tiyak na magiging mahabang muli ang basketball tournament ng 2010-2011 season ng NCAA dahil sa sampung koponan pa rin ang maglalaban dito. Tinanggap ng NCAA Policy Board bilang mga “probationary members” ang Arellano University at Emilio Aguinaldo College samantalang “guest team” pa rin ang Angeles University Foundation.
Magugunitang noong nakaraang taon ay umabot hanggang sa ikalawang linggo ng Oktubre ang basketball tournament ng NCAA na pinagwagihan ng San Sebastian College Stags. Dahil dito ay sumapaw ang dulo ng NCAA cagefest sa umpisa ng 35th PBA season.
Ang naapektuhan dito ay si James Ryan Sena ng Jose Rizal University Heavy Bombers. Si Sena ay nag-apply sa PBA Draft at kinuha sa first round ng San Miguel Beer. Pero hindi naman puwedeng makipag-ensayo si Sena sa Beermen at pumirma ng kontrata habang siya ay naglalaro sa JRU. Magiging malinaw na violation iyon sa kanyang pagiging isang amateur player.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na ang isang active NCAA player ay lumahok sa Draft at kinuha ng isang PBA ballclub. Nauna kay Sena ang mga tulad nina Leo Najorda, Aaron Aban, Yousif Aljamal, Kelvin dela Peña, Pong Escobal at iba pa.
Pero dahil sa walong teams lang ang kasapi sa NCAA noon ay natapos ang basketball tournament nang sakto bago nagsimula ang PBA season. So, eventually ay nakapirma ng kontrata ang mga manlalarong nabanggit sa PBA team na kumuha sa kanila. At nakapaglaro sila kaagad.
Pero hindi ganoon ang nangyari kay Sena. Nagtagal ang torneo at naging contender pa ang JRU para sa kampeonato nang pumasok ang Heavy Bombers sa Final Four. Nabigo nga lang silang makarating sa best-of-three championship round kung saan naglaban ang SSC at San Beda College Red Lions.
Hindi na rin nahintay ng San Miguel si Sena at sa halip ay kinuha na lang nito si Mike Holper na binitiwan ng Barako Bull upang makumpleto ang line-up nila.
Ngayon nga ay nasa homestretch na ang KFC-PBA Philippine Cup kung saan nakadiretso ang Beermen sa semifinal round. Hindi natin alam kung kukunin pa nila si Sena para sa Fiesta Conference kung saan may makakasama na silang import. Malamang sa hindi na.
Kaya naman si Sena ay lalaro na lang sa Agri Nurture Inc. na isa sa mga bagong teams na kalahok sa PBL na magsisimula sa Pebrero 13. Baka sa susunod na season na lang siya kunin ng San Miguel bilang isang rookie free agent.
So, kung ganito ang kalakaran, useless na mag-apply ang isang active NCAA player sa PBA Draft. Kahit magaling siya, magdadalawang isip ang isang PBA team na kunin siya at sayangin ang draft pick dahil sa hindi kaagad siya pakikinabangan.
Matutulad na rin ang NCAA sa University Athletc Association of the Philippines (UAAP) na walang active player na lumalahok sa Draft.
Hahaba ang paghihintay ng isang collegiate player na makaangat sa PBA!
BANDERA Sports, 020110