ITINANGGI kahapon ng Palasyo na ginigipit ni Pangulong Aquino ang direktor na si Carlo J. Caparas dahil sa pagiging malapit nito kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa kanyang briefing, tahasang sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na nagkataon lamang na magkasunod ang pagsasampa ng tax evasion laban kay Caparas at ang pagbawi sa kanya award bilang National Artist.
“‘Yung sa BIR (Bureau of Internal Revenue), sa tingin ko, marami kaming sinasampahang kaso na walang connection kay GMA, so malabo ‘yung ganoong klaseng akusasyon.
Doon sa pagka-National Artist niya, pagtanggal niya, proseso ‘yan. Hindi talaga kami nakikialam diyan sa deliberation process sa NCCA (National Commission for Culture and the Arts),” giit ni Lacierda.
Matatandaang nagpiyansa si Caparas matapos magpalabas ang Court of Tax Appeals ng warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng kasong tax evasion. “Sa ganang amin, wala kaming panggigipit na ginagawa,” dagdag pa ni Lacierda.
( Photo credit to google )