Policewoman nag-suicide?

INIIMBESTIGAHAN ngayon ng pulisya ang pagkamatay ng isang babaeng pulis, na diumano’y nagbaril sa sarili matapos makipagtalo sa mister na kapwa alagad ng batas, sa Gen. Trias City, Cavite.

Sa kabila ng lumalabas na anggulong suicide, di pa inaalis ng mga imbestigador ang posibilidad na may “foul play” sa pagkamatay ni SSgt. Analyn Cruto Rico, 33, nakatalaga sa Regional Health Service ng Calabarzon PNP, ayon sa Cavite provincial police.

Naganap ang insidente dakong alas-7:35 ng umaga Martes, sa bahay ni SSgt. Rico at mister niyang si Patrolman Ricky Rico sa Stateland Hills Subd. Brgy. Manggahan.

Si Pat. Rico, 26, ay nakatalaga sa PNP Maritime Group 3rd Special Operations Unit na nakabase sa Parañaque City.

Sinabi niya sa mga imbestigador na nagtalo silang mag-asawa nang umagang iyon dahil nagseselos ang ginang sa kanyang kaklase, na isa ring pulis.

Paalis na umano ng bahay si Pat. Rico nang makita ang misis na pumasok ng silid at pagkatapos ay nakadinig na lang ng putok ng baril.

Nang magtungo sa silid ay nakita na lang umano niya ang misis na nakahandusay sa sahig at duguan, at ang baril nito’y sa kama, kaya humingi ng saklolo para madala sa ospital ang ginang.

Idineklarang patay si SSgt. Rico sa City Of General Trias Doctors Medical Center alas-8:01.

Dahil di pa inaalis ang posibilidad ng foul play, isinailalim sa paraffin test si Pat. Rico, habang ang mga baril nilang mag-asawa’y to isinailalim sa ballistics examination.

Read more...