Retired teacher patay sa sunog

NASAWI ang dalawang retiradong guro nang lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay sa Batangas at Pangasinan, Martes ng madaling-araw.

Namatay sa unang insidente ang 89-anyos na si Nora Erfe, residente ng San Fabian, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.

Narekober ng mga bumbero ang kanyang mga labi ilang minuto matapos makapag-deklara ng fire-out alas-12:55.

Nagsimula ang sunog sa bahay ni Erfe sa Brgy. Poblacion, dakong alas-12:20.

Rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection mula San Fabian, Mangaldan, at Dagupan City, habang binantayan ng lokal na pulisya ang palibot ng bahay.

Natagpuan ang sunog na labi ni Erfe sa loob ng banyo.

Sinabi sa mga imbestigador ng isang kaanak na maaaring nag-umpisa ang apoy sa silid ni Erfe, kung saan nag-iiwan ang matandang balo ng kandilang may sindi sa altar.

Mabilis kumalat ang apoy sa buong bahay, na gawa sa combustible materials, at na-trap siya sa loob, ayon sa ulat.

Samantala, nasawi ang 77-anyos na si Celering Alday, isa ring retired teacher, nang masunog ang kanyang bahay sa Brgy. Sampaga, Batangas City, dakong alas-2:30.

Natagpuan ang mga labi ni Alday sa kanyang silid, matapos ideklara ng BFP ang fire-out alas-3:32, ayon sa Batangas provincial police.

Inaalam pa ng mga imbestigador ang sanhi ng sunog. 

Read more...