Mananatiling bahagi ng alaala ng publiko ang namayapang aktor-direktor na si Manoy Eddie Garcia.
Hindi siya madaling malilimutan. May saysay ang pitumpong taon na ipinagserbisyo niya sa minahal niyang trabaho sa mundo ng pelikula at telebisyon.
Isang marespetong pamamaalam ang ibinigay ng kanyang mga katrabaho, kaibigan at pamilya sa henyong aktor. Lahat ay sumasaludo sa kanyang propesyonalismo, sa kawalan niya ng kaaway sa lokal na aliwan, kahit pa napakaepektibo niyang kontrabida.
Natupad ang kanyang hiling na mula sa kanyang death bed ay diretso na siya sa “prituhan,” kinagabihan nang tuluyan na siyang magpaalam ay cremated agad ang respetadong aktor-direktor, ang hindi lang naganap ay ang pagsasaboy ng kanyang mga abo sa Manila Bay.
Ayon sa isang malapit sa pamilya ni Manoy Eddie ay iuuwi agad sa Bicol ang kanyang urn, bibigyan ng pagkakataon ang kanyang mga kababayan na magbigay ng huling pamamaalam kay Manoy Eddie, at saka pa lang iuuwi sa bahay nila sa Alabang ang mga abo.
Maraming personalidad na nagbibigay ng opinyon na dapat lang hiranging National Artist si Manoy Eddie dahil sa napakalaki niyang kontribusyon sa industriya hanggang sa pinakahuling sandali ng kanyang buhay.
Pero sabi ng isang personalidad, “Dapat, buhay pa si Manoy, e, binigyan na siya ng parangal para nagkaroon siya ng chance na namnamin ang produkto ng kanyang pagsisikap at talento.”
Oo nga naman.