Kamara may pagdinig kaugnay ng water shortage
MAGSASAGAWA ng oversight hearing ang Kamara de Representantes kaugnay ng kakulangan sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig na lugar.
Pangungunahan ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang pagdinig. Hanggang sa Hunyo 30 ang termino ni Arroyo at mga kasabay niyang nahalal noong 2016 elections.
Inimbitahan sa pagdinig sa Martes ng umaga ang mga opisyal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems, National Water Resources Bureau, Local Water Utilities Administration, National Irrigation Authority, Departments of Agriculture, Budget and Management, Environment and Natural Resources and Public Works and Highways, National Economic Development Authority at mga water concessionaires gaya ng Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services, Inc.
Bukod sa paghahanap ng long term solution sa kakulangan ng supply pag-uusapan din ang panukalang pagtatayo ng Department of Water na maaaring ipasa ng susunod na Kongreso.
Nang magkaroon ng problema sa suplay ng tubig mula sa La Mesa dam ang Manila Water noong Marso ay nagsagawa ng pagdinig ang Kamara na nagresulta sa pagbibigay ng dagdag na suplay nito mula sa Angat dam.
Ngayong bumaba na rin sa critical level ang tubig sa Angat dam ay muling nagpapatupad ng rotational water interruption ang Maynilad at Manila Water.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.