‘Manoy Eddie nabuhay at namatay na yakap-yakap ang mundo ng showbiz’

EDDIE GARCIA

Ang araw na ito ang magmamarka nang tuluyan ng pamamaalam ng respetadong beteranong aktor-direktor na si Manoy Eddie Garcia.

Bukas ay mga alaala niya na lang ang makakasama natin, umalis na ang hinangaan nating bida, kontrabida at magaling din sa komedyang aktor, isinauli niya na sa Panginoon ang hiram niyang buhay.

Sabi nga ng mga nakakausap namin ay hindi naramdaman ni Manoy Eddie ang hirap bago siya pumanaw, in deep sleep siya ayon sa kanyang mga doktor, nagkatotoo ang madalas niyang sabihin sa mga interbyu na hindi siya mamamatay sa pagkakasakit.

Walang may gusto ng naganap, pero ang naging ugat ng kanyang pamamaalam ay ang aksidenteng naengkuwentro niya sa taping, pag-aartista ang ikinabuhay ng pamilya ni Manoy Eddie at hanggang sa kanyang kamatayan ay ang pag-aartista pa rin ang yakap-yakap niya sa edad na nobenta.

Hindi madaling limutin ang matinding ambag ng isang Eddie Garcia sa industriya ng pelikula at sa mundo ng telebisyon. Pitumpong taon niyang pinasaya ang ating mga kababayan, hindi lang siya kinilalang magaling na aktor, siya ang pinakaeksaktong ehemplo ng isang artistang nagpairal ng propesyonalismo sa kanyang hanay.

Hindi raw tayo nagsasabi ng paalam sa paglisan ng isang minamahal, hanggang sa muli lang, dahil isang araw ay siguradong magkikita rin tayo sa dako pa roon.

Isang mapayapang biyahe sa nag-iisang Manoy.

Read more...