Hiling ni Manoy Eddie na diretso agad sa ‘prituhan’ pag namatay tinupad ng pamilya
Nu’ng Huwebes nang gabi rin ay na-cremate na ang mga labi ng respetadong aktor-direktor na si Tito Eddie Garcia.
Sinunod ng pamilya ang kanyang hiling na kapag dumating na ang kanyang oras ay wala nang lamay, diretso na agad siya sa “prituhan,” hindi pa lang malinaw ngayon kung isa-sabog ang kanyang mga abo sa Manila Bay na tulad nang madalas sabihin nu’n ni Tito Eddie sa kanyang mga panayam.
Nagluluksa ang buong industriya ng pelikulang Pilipino at ang mundo ng telebisyon sa pagpanaw ni Manoy. Hindi biro ang pitumpong taon niyang pagpapasaya sa ating mga kababayan sa kanyang kahenyuhan bilang bida-kontrabida.
Labingdalawang araw siyang comatose mula nang maganap ang hindi inaasahang aksidente sa taping ng kanyang serye sa GMA 7, dalawang vertebrae niya sa leeg ang nagkaroon nang matinding fracture, matindi ang pagbagsak ng magaling na aktor nang sumabit ang kanyang paa sa kable.
Ang kanyang mga labi ay nakalagak ngayon sa Heritage Park, inaasahan ang pagbibigay ng kanilang huling pagrespeto ng maraming personalidad sa kanilang nirerespetong katrabaho at kaibigan, ang sikat na Manoy ng buong bayan na walang minenos na kahit sino kahit pa sikat siya at marami nang parangal na maipagmamalaki.
Paalam, Tito Eddie Garcia, pakidala po sa in-yong pagpanaw ang sinserong paggalang ng publiko sa inyong talento.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.