Coco Martin nagpaalam kay Manoy: Hindi ko maipaliwanag ang lungkot at sakit …

MATINDING lungkot ang nararamdaman ngayon ng Teleserye King na si Coco Martin dahil sa pagpanaw ng veteran actor na si Eddie Garcia.

Hindi pa rin makapaniwala ang Kapamilya actor na wala na si Manoy na nakasama niya sa seryeng Ang Probinsyano sa loob ng halos tatlong taon.

Si Manoy ang gumanap na kontrabida ni Coco sa nasabing serye kung saan nagmarka ang mga karakter niya bilang sina Don Emilio at Senator Gustavo.

Sa kanyang Instagram account, nagbigay ng tribute si Coco para sa award-winning actor-director na sumakabilang-buhay nga kahapon matapos ang mahigit isang linggong pagka-comatose sa ICU ng Makati Medical Center.

Nag-post si Coco ng litrato ni Manoy sa kanyang IG na may caption na: “Di ko mapaliwanag ang lungkot at sakit nanararamdaman namin ngayon. iniisip ko nalang po na ang Diyos ang may kagustuhan ng lahat ng nangyayari para sa atin.

“Maraming salamat sa ‘yo Lo sa lahat ng ating mga kwentuhan at tawanan at sa ating mga masasayang mga oras na magkasama. Malayo man ang edad natin pero tinanggap mo ako bilang kaibigan mo.

“Hanggang sa muling pagkikita natin Lo mabuhay ka at alam ko nandito kalang sinusubaybayan mo kami. Hindi namin kakalimutan ang lahat ng mga pangaral mo para sa amin. Isa kang huwaran ng mabuting tao at mahusay na artista at direktor. Mahal na mahal ka namin Lo!!! R.I.P.”

Bukod sa Ang Probinsyano, nakasama rin ni Coco si Manoy sa Kapamilya serye na  Juan Dela Cruz.

Read more...