HINDI prayoridad ang dahilan kung bakit hindi tinanggap ni Blackwater Elite rookie Bobby Ray Parks Jr. ang imbitasyon na makasama sa Gilas Pilipinas pool tulad ng nasabi ni national head coach Yeng Guiao.
Sinabi ni Guiao sa ginanap na ensayo ng Gilas pool noong Huwebes na hindi tinanggap ni Parks ang imbitasyong makasama sa pool base sa kanyang pang-unawa na ang PBA freshman guard ay may ibang prayoridad.
Itinanggi naman ito ni Parks sa pagsabi na hindi niya tinanggap ang pagsali sa Gilas pool dahil nahihiya siya sa kanyang koponan at sa mga manlalaro ng Gilas na lumahok sa qualifierFIBA World Cups.
“I didn’t decline due to different priorities. Hiya oo, pero priority hindi. First conference ko pa lang sa PBA pinayagan na ako ng Blackwater tapusin ABL stint ko kaya sobrang thankful ako,” sabi ni Parks sa kanyang Twitter account. “Tapos ngayon wala kaming import kaya nahihiya din ako sa Blackwater.”
Sinabi pa ni Parks na ayaw din niyang agawin ang puwesto para sa mga mas karapatdapat na manlalarong nakapaglaro na sa FIBA World Cup qualifiers.
“Nahihiya ako sa mga players na naglaro during the qualifiers and nagpakahirap to get our spot at the World Cup,” sabi ni Parks sa kanyang tweet. “Sino ba namang proud na Pinoy na ‘di mahihiya kasi each player who played are deserving of a spot. Nirerespeto ko sila at ‘yun ang pinaghirapan nila.”
Idinagdag pa ni Parks na nirerespeto niya ang Elite na naghintay sa kanya hanggang matapos niya ang paglalaro sa 2018-19 ASEAN Basketball League season para makasama niya sa pagsisimula ng PBA Commissioner’s Cup.
Ang second overall pick sa 2019 PBA Rookie Draft ay hindi nakapaglaro sa nakalipas na Philippine Cup dahil naglalaro pa siya sa Alab Pilipinas kung saan nagwagi ito ng isang ABL title at tatlong Local MVP award.
Ang paglalaro ni Parks sa Alab sa ABL ay natiyempo naman sa pagsabak ng Gilas sa FIBA World Cup qualifiers kaya hindi siya napasama sa national team kung saan napili ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang mga PBA players at naturalized center Andray Blatche na irepresenta ang Pilipinas.
“For people to actually believe that I don’t want to represent my country is crazy. Kaya nga naglaro sa Alab and went abroad carrying the flag anywhere and everywhere I go,” dagdag ni Parks.
Maganda naman ang nilalaro ni Parks para sa Blackwater kung saan nagtala siya ng 23.4 puntos, 6.0 rebound, 3.4 assist at 1.7 steal sa PBA Commissioner’s Cup.