DIRETSONG ibinandera ng beauty queen-actress na si Vickie Rushton na ultimate dream role niya ang gumanap na Darna.
Ayon sa girlfriend ng Kapuso actor na si Jason Abalos, pagkatapos niyang mabigo sa 2019 Binibining Pilipinas coronation night, wala pa siyang idea kung anu-ano na ang susunod niyang gagawin. Pero aniya, kung babalik siya sa pag-arte, may dream role siya na gustung-gustong gampanan.
“May dream role po ako. Gusto ko maging Darna,” aniya sa interview ng Tonight with Boy Abunda.
Marami naman ang nagsabi na bagay din kay Vickie ang pumalit kay Liza Soberano bilang bagong Darna sa pelikula dahil bukod sa taglay na ganda at kaseksihan may talent din naman sa akting ang dalaga dahil nakalabas na rin siya sa ilang programa ng ABS-CBN, ang huli nga ay sa La Luna Sangre nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Samantala, sinabi rin ni Vickie na wala pa silang plano ni Jason na magpakasal. Nais muna nilang mag-concentrate sa kani-kanilang career ngayon bago lumagay sa tahimik.
“Wala pa naman po. Mafi-feel ko naman or mafi-feel niya naman ‘yun if ready na ang lahat,” sey ng dalaga.
Nagpasalamat din ang dalaga kay Jason dahil sa suportang ibinibigay sa kanya ni Jason sa lahat ng kanyang ginagawa, “Sobra po niyang supportive. Actually siya ang nag-push sa akin na try pa para walang regrets.”
Sa tanong kung sasali pa rin siya sa mga beauty pageant, “Hindi ko pa po alam. Hindi ko pa masasabi. Kasi last year nu’ng nag-first runner-up ako, sabi ko ayaw ko na mag-join. Pero last minute, nag-join din ako. We’ll see. Tuloy ang laban sa buhay.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.