DAHIL sa aksidenteng kinasangkutan ng veteran actor na si Eddie Garcia ay halos lahat ng kakilala naming mga artista pagdating sa set or location ay hinahanap kaagad nila ang ambulansiya at medical team.
Base kasi sa isang video na kumalat sa social media na kuha sa taping ng isang upcoming serye ng GMA 7, napatid si Manoy Eddie sa isang kable habang tumatawid sa kalye bilang bahagi ng kanyang maaksyong eksena.
Hindi raw agad nadala sa ospital ang aktor dahil wala umanong ambulansiya at walang naka-standby na doktor or nurse.
Tsika sa amin ng isang celebrity na nakausap namin kamakailan, “Naku, pagdating ko sa set, hinahanap ko agad ang ambulansiya kung meron, in fairness meron naman naka-standby.”
Bukod sa ambulansiya ay may nakita ring tangke ng bumbero sa set ng isang top rating teleserye. Oo nga naman, kailangan din in case magkaroon ng sunog na hindi maiiwasan sa init ng panahon, e, mag-over heat ang mga gamit sa taping o shooting.
Samantala, may tsika kaming nakuha mula sa isag kakilala namin sa GMA. Ilang beses daw pinaulit ni Direk Toto Natividad ang eksena kay tito Eddie bago siya naaksidente.
Kuwento ng aming source, “Nagtataka nga kami kung bakit pinaulit ni direk Toto, e, nakunan na ‘yun.”
Sabi namin, baka humahanap ng ibang anggulo si direk Toto kaya pinaulit niya ang eksena. Ganu’n naman talaga ang ginagawa ng mga direktor para mas mapaganda ang eksena.
Nakarating din sa amin na shelved na muna ang seryeng ginagawa ni Manoy kung saan siya naaksidente, ito ngang Rosang Agimat ng GMA. Totoo nga kayang tinanggal na rin si direk Toto sa proyekto pati na ang executive producer ng programa.
May pinagtanungan kaming isa pang taga-GMA tungkol dito, at aniya, “Ayaw kong mag-comment diyan, alam mo naman. I’m sure maglalabas naman ng statement ang GMA.”
Iisa pa rin ang panalangin ng lahat para kay tito Eddie, ang agarang paggaling nito dahil hanggang ngayon ay nasa kritikal pa rin siyang kundisyon.
Samantala, nasungkit naman ng beteranong aktor ang Best Actor trophy sa nakaraang 2019 Gawad Urian para sa pelikulang “ML” na naging entry sa Cinemalaya 2018 sa direksyon ni Benedict Mique, Jr. na siyang tumanggap ng award at nagbasa ng thank you speech mula sa pamilya ni Tito Eddie.