UMARAY ang ilang kilalang celebrities sa umano’y pangdededma ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa masaklap na nangyari sa 22 Filipinong mangingisda kamakailan.
Ayon sa mga ulat, pauwi na sa San Jose, Occidental Mindoro ang mga mangingisda nang banggain at abandonahin umano ng isang Chinese vessel ang kanilang bangka sa West Philippine Sea.
Tatlong oras daw nagpalutang-lutang sa dagat ang 22 Pinoy fishermen, ayon na rin sa salaysay ni June Insigne, ang kapitan ng lumubog. Sigurado raw sila na pag-aari ng mga Intsik ang bumangga sa kanila dahil sa nakita nilang “big superlights” dito na isa sa mga kilalang feature ng isang Chinese vessel.
Ayon naman kay Pangulong Duterte, hihintayin muna niya ang resulta ng imbestigasyon sa nasabing “maritime incident” bago siya gumawa ng legal na aksyon.
“Banggaan lang ng barko ‘yan. Do not make it worse because that’s a fertile ground for…Alam niyo yan mga sundalo, miscommunication ‘yan, patay na. And we are not yet as ready and we can never be ready in a nuclear war.
“Because in a nuclear war, kung bitiwan lahat yan, earth will dry up and we will all be destroyed, and that is the end of everything,” ang bahagi ng speech ni Digong sa anniversary ng Philippine Navy.
At dahil dito, umalma ang ilang celebrities, kabilang na ang kilalang kritiko ng administrasyon na si Agot Isidro.
Aniya, patunay lang ito na walang pakialam ang Pangulo sa kapakanan ng ating mga mangingisda.
“What happened in Recto Bank is a sampling of what will happen (or maybe happening already) to our whole country. We are being bullied by the Chinese, leaving us pretty much on our own. And guess who’s being friendly with the bully? Go figure,” sabi ni Agot.
Ayon naman sa PBB Otso host na si Bianca Gonzales, “Sana’y mabigyan ng hustisya ang buhay at pakikipagsapalaran nilang mga mangingisdang Pinoy.
“The more details that come out from the Pinoy fishermen and China boat incident, mas lalo nakakadurog ng puso,” aniya pa.
Ito naman ang reaksyon ng isa pang kritiko ng Duterte administration na si Enchong Dee, “Ang liit ng tingin satin ng ibang bansa, mas liliit pa yan pag hinayaan nating manahimik para sa mangingisda natin laban sa mga Bully.”
Na-bad trip din ang sister ni Anne Curtis na si Jasmine Curtis nang mabasa ang isang news item kung saan binanggit ni Department of Energy Sec. Alfonso Cusi na “daplis” lang ang pagkabangga sa bangka ng mga mangingisda, at kung intentional daw ito dapat daw ay talagang nakipagsalpukan na ang Chinese vessel.
Tweet ni Jasmine, “DAPLIS LANG?!?!?????? WOW.”
Isang netizen naman ang nagtanong kung nasaan ang kilalang kakampi ni Digong na si Jimmy Bondoc dahil tila wala itong paramdam tungkol sa issue.
Nabasa ito ng singer-composer at sumagot ng, “Ito, nagpe-prepare ng documents at proposal for financial assistance para sa fishermen. Ikaw, saan ka?”
Siyempre, ilang supporters din ni Duterte ang nagtanggol sa desisyon nito patungkol sa mga kababayan nating mangingisda. Ayon sa kanila, irespeto na lang ang posisyon ni Digong sa isyung ito dahil alam naman daw ng pangulo ang kanyang ginagawa.