GUSTUHIN mang pumunta ni Arjo Atayde sa Nominees Night ng 3rd EDDYS Choice ay hindi na nga pumuwede dahil out of town ang commitment niya last Saturday.
Matagal na kasing naka-schedule ang mall tour ni Arjo para sa endorsement niyang Hammerhead sa Cebu. Gabi ang mall show kaya hindi na kakayaning bumalik ng aktor sa Maynila para humabol sa Nominee’s Night.
Abut-abot ang pasasalamat ni Arjo sa EDDYS Choice lalo na Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd sa pag-nominate sa kanya bilang Best Supporting Actor sa pelikulang “Buy Bust”. Hindi nga raw niya inakalang mapapasama siya listahan ng nominees dahil nga 10 minutes lang ang exposure niya sa pelikula.
Kadalasan kasi kapag pelikulang lokal ay kasama sa buong pelikula ang isang artista para mapabilang sa mga kategoryang pinakamahusay na aktor o aktres.
Sabi ni Arjo, “I just want to thank EDDYS for the nomination, appreciated it so much, hope next time they’ll invite me, sana libre na ako.”
Kaliwa’t kanan naman din kasi ang ginagawa ngayon ng aktor, hindi lang ang The General’s Daughter (bilang si Elai) ang pinagkakaabalahan niya ngayon.
Nabanggit ng kanyang inang si Sylvia Sanchez na ang daming pelikulang naka-line up sa anak kaya nalilito rin daw ang Star Magic sa kanyang schedule.
May isa pa ngang movie offer sa kanya na napakaganda ng role at gusto rin ni Arjo ang mga makakasama niya rito, kaso hindi na raw kaya ng schedule dahil magsisimula na raw ang shooting nito sa Hulyo.
“E, sa July na rin ang simula nu’ng isa pa niyang project,” sabi sa amin ng kanyang handler mula sa Star Magic.