Veteran stars, young celebs na nominado sa 3rd Eddys nagsama-sama sa ‘Nominees Night’

EDDIE GARCIA, GLORIA ROMERO AT TONY MABESA

SA kabila ng kanilang busy schedule at prior commitments, naglaan pa rin ng oras ang mga nominado sa 3rd EDDYS (Entertainment Editos Choice) sa ginanap na “Nominees Night” nitong nagdaang Sabado.

Ginanap ang gabi ng mga nominado para sa ikatlong EDDYS Choice sa Anabels, Tomas Morato, Quezon City sa pangunguna ng mga opisyal at miyembro ng Society Of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), sa pakikipagtulungan ng Film Development Council of the Philippines.

Ang Nominees Night ng EDDYS Choice ay ginaganap taun-taon para mabigyan ng pagkilala ang lahat ng mga maglalaban-laban sa bawat kategorya at para maigawad din sa kanila ang certificate of nomination bago ang pinakaaabangang gabi ng parangal.

Ipinamahagi ni SPEEd President Ian Fariñas at FDCP Chairperson Liza Dino ang mga certificate of nomination sa mga dumalong nominado para sa 14 acting at technical awards.

Pero bago simulan ang paggawad ng certificate of nomination sa mga nominees, nag-alay muna ng panalangin ang lahat para kay Eddie Garcia, na nominadong best actor sa 3rd EDDYS para sa “Rainbow’s Sunset.”

Comatose pa rin sa ICU ang veteran actor na kinilala na rin ng SPEEd bilang isa sa Icons of Philippine Cinema sa 2nd EDDYS Choice last year.

Ang co-star ni Eddie Garcia sa “Rainbow’s Sunset” na si Tony Mabesa, na nominado naman sa pagka-best supporting actor ang tumanggap ng certificate of nomination ng actor-director pati na rin ng isa pa nilang kasamahan sa pelikula na si Gloria Romero na nominado namang best actress.

Personal namang tinanggap ng “Rainbow’s Sunset” director na si Joel Lamangan at ng isa pang nominado sa best director category na si Kip Oebanda ng “Liway” ang kanilang CoN.

Dumating din sa 3rd EDDYS Nominees Night ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes na nominado sa pagka-best actor para sa “Sid & Aya: Not A Love Story” at ang kaibigan niyang si Paolo Contis na nominado ring best actor para sa “Through Night and Day”.

Present din si Glaiza de Castro na nominadong best actress para sa pelikulang “Liway” at ang award-winning actress na si Cherie Gil na lalaban bilang best supporting actress para sa “Citizen Jake”.

Para naman sa kategoryang best supporting actor, bukod kay Tony Mabesa, hindi rin nagdamot ng kanilang oras sa pagdalo sa Nominees Night ang mga nominadong sina Tirso Cruz III (Rainbow’s Sunset), Ricky Davao (Kasal) at Tony Labrusca (ML).

Si Quezon City Councilor Hero Bautista ng Heaven’s Best Entertainment naman ang tumanggap ng CoN para sa “Rainbow’s Sunset”. Naroon din ang executive ng T-Rex Entertainment para sa “Bakwit Boys”. Personal ding tinanggap ng mga taga-TBA Studios sa pangunguna ni Vincent Nebrida ang mga CoN para sa “Goyo”.
Naglaan din ng panahon ang mga nominado sa iba’t ibang technical awards para personal na tanggapin ang kanilang CoN.

Ang 3rd EDDYS Choice awards night ay gaganapin sa Hulyo 14 sa New Frontier Theater (dating KIA Theater).

Ang Cignal TV ang isa sa major sponsors/presenters ng 3rd EDDYS habang ang Echo Jham Entertainment ang hahawak sa production, sa pangunguna ng direktor na si Calvin Neria.
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa Colours Channel ng Cignal TV sa July 21.

Read more...