NAPATUNAYANG guilty sa kasong obstruction ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 14, ang miyembro ng Aegus Juris Fraternity na si John Paul Solano, kaugnay ng pagkamatay sa hazing ng University of Santo Tomas freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III.
Pinatawan si Solano ng hanggang apat na taong pagkakakulong matapos maglabas ng dalawang affidavit kung paano isinugod si Castillo sa ospital dahil sa isinagawang initiation sa biktima.
Si Solano ang nagdala kay Castillo sa Chinese General Hospital.
Sa kanyang unang affidavit sa Manila Police District (MPD) noong Setyembre 17, 2017, sinabi ni Solano na hindi niya kilala si Castillo at natagpuan lamang niyang nakahanduay sa tabi ng kalsada sa Tondo, Maynila at nagdesisyong dalhin sa ospital.
Taliwas naman ito sa kanyang pangalawang sworn statement kung saan sinabi niya na inatasan niya ng mga miyembro ng fraternity na dalhin si Castillo sa ospital matapos mag-collapse sa isinagawang initiation rites sa fraternity library noong Setyembre 17, 2017.
Nahaharap naman ang iba pang miyembro ng fraternity sa kasong homicide at paglabag sa Anti-Hazing Law.