HINDI lang maganda sa katawan ang pagpapapawis kapag matanda na, mabuti rin ito sa memorya at nababawasan ang pagiging malilimutin.
Sa isinagawang pag-aaral sa Rush University Medical Center sa Estados Unidos binigyan ng physical exam at memory test ang 454 adult, 191 sa kanila ay may dementia at 263 ang wala.
Sila ay sinubaybayan sa loob ng 20 taon. Pinagsuot din sila ng accelerometer upang mabantayan ang kanilang physical activities.
Ang mga kalahok ay pumayag din na i-donate ang kanilang utak kapag namatay na sila, upang mapag-aralan.
Ang average na edad sa pagkamatay ng mga ito ay 91 taon. Nakakita ang mga siyentipiko ng mga lesion at biomarker ng dementia at Alzheimer’s disease gamit ang sample ng donasyong utak.
Ang mga tao na maganda ang motor skills ay mayroon ding magandang memorya.
Gumaganda rin ang score sa memory test kapag tumataas ang physical activities.
Sinabi ni Dr. Aron S. Buchman na lumalabas sa kanilang pag-aaral na ang active lifestyle ay nakapagbibigay ng proteksyon sa memorya ng isang tao.
Dagdag pa niya bagamat hindi pa konkreto ang isinagawa nilang pag-aaral ang pageehersisyo ay isang mabuting paraan upang mapangalagaan ang kalusugan ng isang tao.