MARAMING tao ang nag-iingat sa kanilang kinakain para hindi magkasakit.
Maaaring iwasan ang pagkain para hindi magkasakit, pero paano ka makakaiwas kung hindi mo nakikita ang pwedeng magdala sa iyo ng sakit, gaya na lang ng hangin.
Ayon kay Dr. Mylene Cayetano, Scientist at Founding Head ng Environmental Pollution Studies Laboratory maraming tao ang nagkakasakit dahil sa hangin na kanilang nalalanghap.
“Air pollution is a problem that is not easy to see. Oftentimes, the threat/harm is not perceived important and immediate, because our naked eye cannot see right away the air pollution shrouding us, whether indoor or outdoor,” ani Cayetano sa kanyang pagsasalita sa Health Impacts of Climate Change, Plastic and Air Pollution forum na inorganisa ng Health Care Without Harm Southeast Asia.
Ang mobile emission o usok ng mga sasakyan ang pangunahing pinanggagalingan ng air pollution sa Metro Manila at iba pang malalaking siyudad sa bansa.
Ayon sa emissions inventory ng Department of Environment and Natural Resources, mobile emissions ang pinanggagalingan ng 80-90 pollutants sa mga siyudad.
Kapag nakapasok sa katawan ang mga pollutants na ito ay maaari itong magdulot ng sakit.
Paliwanag ni Cayetano ang Particulate Matter na mas kilala natin bilang alikabok ay maaaring makarating sa baga.
Ang PM 10 o particulate matter na may sukat na hindi hihigit sa 10 micrometers ang laki ay mahaharang ng buhok sa ilong pero posibleng makarating sa trachea region.
Ang PM 2.5 o wala pang 2.5 micrometers ang diametro ay maaaring makarating sa baga dahil sa liit nito.
Ang pinakamapanganib sa lahat ay ang PM na ang laki ay 100 nanometer na maaaring may taglay na cancerous chemicals at nakararating sa baga.
Ang PM mula sa labas ay pangsiyam sa mundo at pang-11 sa Southeast Asia na nakapagdudulot ng pagkakasakit ng tao.
Ayon sa World Health Organization ang outdoor air pollution ang nangungunang environmental cause ng cancer death.
Ang indoor at outdoor pollution naman ang pangunahing sanhi ng 7 milyong premature deaths taon-taon.
Sinabi ni Cayetano na ang hangin sa Metro Manila ay maituturing na cancerous dahil sa mataas na lebel ng carcinogenic compounds nito ayon sa Polycyclic Aromatic Hydrocarbons study noong 2016.
Ang Polycyclic Aromatic Hydrocarbons (PAHs) ay ang mga compounds na natitira sa pagkasunog ng diesel o gasolina.
Isa sa PAHs ang benzo[a]pyrene na nasa Group 1 carcinogen sa klasipikasyon ng International Agency for Research on Cancer.
Mataas umano ang epekto ng air pollution sa mga tao na nakatira 300 hanggang 500 metro sa mga highway o pangunahing lansangan.
“Knowing that air pollution is now the leading cause of cancer deaths worldwide, the problem is not just environmental; it is environment, health, socioeconomic caused by human activities, hence it can be solved by humans if we work together. Let us all act to clean the air,” dagdag pa ni Cayetano.