HUMIHILING pa rin ng maraming panalangin ang mga nasa entertainement industry sa pagbuti ng kalagayan ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.
Habang sinusulat namin ang artikulong ito ay comatose pa rin ang award-winning actor at nananatiling nasa Intensive Care Unit (ICU) ng Makati Medical Center.
Naghayag ang long-time partner ni Manoy Eddie na si Lilibeth Romero ng kanyang saloobin at sa tunay na kondisyon ng aktor sa isang panayam.
Hindi raw nagre-respond si Manoy Eddie sa mga test na ginagawa sa kanya bagaman normal naman ang kalagayan ng kanyang puso.
Nabanggit din ni Lilibeth ang tunay na lagay ni Manoy Eddie pagkatapos nitong mapatid at tumama ang ulo sa semento habang kinukunan ang maaksyong eksena niya sa bagong teleserye ng GMA 7.
Idineklara raw na DOA (dead on arrival) si Manoy nu’ng dinala sa Mary Johnston Hospital sa Tondo, Maynila. Ang masakit pa nito, nabali raw ang spinal cord ng veteran actor.
Pero na-revive naman daw si Manoy sa Mary Johnston hanggang sa inilipat na nga sa Makati Med kung saan nagwo-work din ang uncle ni Lilibeth na si Dr. Enrique Lagman. Siya ang nag-confirm na hindi heart attack at hindi rin dahil sa aneurism kaya bumagsak sa semento ang katawan ni Manoy Eddie.
Walang nais sisihin si Lilibeth sa aksidente, at pinasalamatan niya ang mga taong tumulong kay Manoy na itayo at buhatin siya sa pagkakatumba para isakay ng sasakyan. Pero sana naman daw ang management ng network ay kahit paano may medic or kahit man lang naka-standby vehicle sa set.
Ang eksenang kinunan kay Manoy Eddie that day ay ang ikatlong araw na raw na sinu-shoot na kukunan ng ibang anggulo.
Ayon kay Lilibeth, sana raw ay tsinek ng mabuti ang kundisyon ng kalsada at mga kableng nakakalat sa area para raw naiwasan ang aksidente.
Ni-reveal pa ni Lilibeth na okey ang health ni Manoy Eddie dahil katatapos lang nitong mag-undergo ng executive check-up na ginagawa ng aktor na once every three months.
Normal daw ang blood pressure and blood sugar ni Manoy kaya na-keri niya ang matinding init ng panahon ng ilang oras nu’ng sumama sa kampanya ng partylist na in-endorse niya last May election.
Kasama raw si Lilibeth ni Manoy Eddie during the campaign at laging may dala-dalang tuwalya, inumin at sandwich for him. Kaya sobra raw siyang nalungkot nu’ng mapanood niya ang video clip ng pangyayari at hindi niya matanggap doon pa raw mismo sa trabaho naaksidente si Manoy Eddie.
“I saw the video only once and I don’t want to see it again,” lahad pa ni Lilibeth sa kanyang panayam.
Sa ngayon, kailangang-kailangan talaga ng taimtim na panalangin para kay Manoy Eddie dahil lagpas na nga sa 48 hour “critical observation” ang multi-awarded at legendary actor.