TAIPEI, TAIWAN – Sa loob ng 22 taon ng Bantay OCW public service program, halos kasabay na rin naming nabantayan ang mga opisyal ng ating pamahalaan na nagli-lingkod sa ating mga OFW.
Nakilala namin ang mga masisipag at maaasahang opisyal ng gobyerno mula sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas saan man sa mundo, pati na rin ang mga tamad at hindi maaasahang mga opisyal na tumatatak sa amin at talagang hindi naman nagtatagal sa kanilang mga trabaho.
Ngunit may ilan sa kanila na literal pa naming nakasama sa pagpapasi-mula pa lang ng Bantay OCW. At masaya kong ibabalita na nakita namin dito sa Taiwan ang mga mabubuti at masisipag naming mga kaibigan sa pamahalaan na nagli-lingkod sa Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taipei at Kaoshiung. Gayong hindi kami nakarating sa Taichung, sa aming pagbabalik, dadalawin naman namin sila doon.
Sa unang pagkikita pa lang namin ni Chairman Angelito Banayo bilang Resident Representative ng MECO-Taipei, marami na kaming napagkuwentuhan hinggil sa kalagayan ng ating mga kababayan dito, pati na ang maraming mga proyekto pa nila.
Kasabay ng ika-121 na pag-alala sa Araw ng Kalayaan, inilunsad noong June 12 ang mga “Musikang Pinoy” kasama ang special guest na si Arnel Ignacio. Sa June 16 (Linggo) naman isasagawa ang 4th Filcom Friendship Fun Run.
Marami pa tayong malalaman sa mga balitang Taiwan sa pagdalaw naman ni Chairman Banayo na makakasama natin ng LIVE sa Inquirer TV at Radyo Inquirer sa Pilipinas, sa araw ng Martes, June 18 ganap na 10:30 am.
Nais din nating batiin ang magandang tanggapan ng MECO kung saan maalwan na naaasikaso ang ating mga kababayan na nasa iisang lugar na lamang.
Isa rin sa mga tinaguriang “LABATT na di naLo-LOBATT” (Labatt ang pinaikling tawag sa Labor Attache’) tulad ni Labatt Resty dela Fuente ng MECO-Kaoshiung, nakasama din ng Bantay OCW sa loob ng maraming mga taon na, sina Atty. Cesar Chavez, ang Labor Attache sa MECO-Taipei at ang napakasipag na Welfare Officer at nurse na si Dayang Dayang Sittie Kaushar Jaafar.
Kasama ang Bantay OCW- Taipei correspondent na si Benzroyce Brown, nagdala kaagad kami ng kaso ng isa nating caretaker na na-terminate mula sa kaniyang trabaho. Agad itong inasikaso ni WelOf Sittie at ipinatawag ang broker ng OFW. (WelOF naman ang pinaikling tawag sa Welfare Officer). Sa naturang paghaharap, nangako ang broker na aasikasuhin ang OFW at bibigyan ‘aniya ito ng panibagong trabaho.
Naging matagumpay ang pagdalaw ng Bantay OCW Team sa Taiwan at nais naming pasalamatan ang kanilang Information Officer na si Gerry De Belen ng MECO-Taipei, pati na ang masisipag na sina Lersa Li ng Pag-IBIG Fund at Grace Sausa ng LandBank.
At muli, maraming salamat sa mainit na pagtanggap ninyo sa amin at pati na sa MECO-Kaoshiung sa pangunguna nina Director Irene Ng at Labatt Resty dela Fuente. Bilang pagtutuwid, ang Welfare Officer ng MECO-Kaoshiung ay si Jun Mendoza at hindi Jun Medina katulad nang una naming naisulat. Ipinakilala din namin si Willy Nocum bilang Bantay OCW-Kaoshiung correspondent.
Sa pamamagitan naman ni Labatt Reydeluz Conferido na dating na-assign sa MECO-Taipei, nakilala namin ang mga lider ng Filipino community na sina Ver Marie Dimalaluan ng Domestic Caretaker’s Union, Taoyuan at Doms Miramonte Arafiles, dating Sec-Gen ng Fil-Com Federation. Ikinalulungkot naming hindi nakilala ng personal sina Marie Yang at Johnny Si ng Ylan ngunit sisikapin namin na makita kayo sa aming pagbabalik.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan at napapanood sa Inquirer TV at Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F)10:30am-12:00pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.2629 (BOCW) E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com