WALO katao, na karamiha’y may kinalaman umano sa iligal na droga, ang napatay sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril sa Laguna, Batangas, at Quezon, mula Miyerkules ng hapon hanggang Huwebes ng umaga.
Apat ang napatay sa Laguna at isa sa Quezon, nang manlaban sa mga buy-bust operation, habang isa pa na may kinalaman din umano sa droga ang napatay matapos manloob sa Batangas, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Napatay si Ever Barcenas nang makipagbarilan sa mga pulis na nag-buy bust sa Purok 1, Brgy. Marinig, Cabuyao City, Laguna, ala-1:20 ng umaga.
Nakuhaan siya ng kalibre-.38 revolver, limang sachet ng hinihinalang shabu, at P500 na buy-bust money.
Ilang oras bago ito, dakong alas-11:30, napatay si Joselito Opdaga Jr. nang manlaban din sa buy-bust sa Brgy. Real, Calamba City.
Nakuha sa kanya ang sachet na may 3 gramo o P12,000 halaga ng umano’y shabu, isang kalibre-.38 revolver, at ang P500 papel at pekeng P4,000 na ginamit sa operasyon.
Dakong alas-5:35, napatay si Jesus Tenido at isang Raymond “Long Hair,” habang sumuko’t naaresto si Wilson Valencia, sa buy-bust sa Brgy. Sampiruhan, doon din sa Calamba.
Tumawag ang mga operatiba ng ambulansya para dalhin sana sa ospital ang mga tinamaang suspek, pero walang dumating, ayon sa Laguna provincial police.
Nakuhaan ang mga suspek ng tatlong sachet na may 0.21 gramo o P2,000 halaga ng umano’y shabu, coin purse, 12-gauge shotgun, kalibre-.22 baril, dalawang P500 papel na ginamit sa buy-bust, at isang P500 na pinagbentahan din umano ng droga.
Napatay naman ang isang Jerry Regio nang manlaban din umano sa buy-bust sa Lucena City, Quezon, dakong alas-8 ng gabi. Nakuhaan siya ng isang sachet ng shabu at improvised shotgun.
Sa hiwalay na insidente, napatay ang isang lalaki at nakatakas ang tatlo niyang kasama nang maengkuwentro ang mga pulis matapos manloob ng apartment sa Sto. Tomas, Batangas, dakong alas-3:20.
Agad nagsagawa ng pagtugis ang mga nagpapatrolyang pulis nang matunugan ang panloloob sa apartment sa St. Lazarus Subd., Brgy. San Rafael, at nakorner ang mga suspek na lulan ng tricycle sa Brgy. Santiago.
Narekober sa pinangyarihan ang tricycle na kargado ng mga umano’y ninakaw na damit, isang kalibre-.38 revolver, pati na apat na sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia na pag-aari umano ng mga suspek.
Samantala, patay ang isang alyas “Nante” nang barilin ng di pa kilalang salarin sa panulukan ng Enverga at Enriquez sts., Brgy. 4, Lucena City, dakong alas-2 ng umaga.
Sangkot umano ang biktima sa ilang naiulat na krimen sa naturang barangay, at may kinalaman pa umano sa kalakalan ng iligal na droga.
Sa Batangas, napatay ang isang Regalado Macalalad at nakatakas ang kanyang kasama nang pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng sindikato ng droga, sa Brgy. Magabe, Balayan, alas-11:40.