WALO katao ang nasawi at 30 pa ang nasugatan nang mahulog ang sinakyan nilang jeepney sa isang bangin sa San Mariano, Isabela, Linggo ng gabi.
Agad nasawi ang mga pasaherong sina Gina Magusib; John Lloyd Rivera, 14; Marilen Gammad, 57; Inez Tapaoan; John Lloyd Cadiente, 8; Carmelita Zalun, 54; at “Iring” Cleto, sabi ni Carlos Taguba, pinuno ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Dinala ang pasahero ding si Rosina Madria, sa ospital sa Cauayan City, ngunit binawian ng buhay doon.
Nilulunasan pa sa iba-ibang pagamutan ang jeepney driver na si Jeffrey Calinggal, 25, at 29 iba pang pasahero.
Naganap ang insidente dakong alas-6, sa Brgy. Balagan.
Minamaneho ni Calinggal ang “jumbo” jeepney mula San Mariano proper patungong Brgy. Macayucayu, nang mahulog ito sa baging may lalim na 10 hanggang 12 talampakan, sabi ni Taguba nang kapanyamin ng Bandera sa telepono.
Lumabas sa imbestigasyon na nagloko ang preno ng jeepney habang binabagtas nito ang isang pababang kurbada.
“Overloaded” din ang jeepney dahil may karga rin itong mga sako ng semento at hog feeds, at ilang case ng softdrinks, bukod sa 37 sakay nitong tao, ayon kay Taguba.
“Yung ibang namatay at injured, nadaganan ng mga karga na semento,” aniya.
“Ito ‘yung biyahe na kung sino ang dala papunta, sila din ‘yung pasahero pabalik. Hintayan, kasi malayo yung area nila. Kaya lang nung pabalik na, mas marami nang kargada,” ani Taguba.
“Noong palusong na, nawalan ng preno ang jeep. Sa left side kasi ng kalsada ay bangin, nahulog siya sa baba, sa taniman ng saging.”
“Maganda ang weather noon, maganda ang kalsada, kaya lang nagka-malfuntion ang jeep,” ani Taguba.