TATLO katao ang inaresto nang makuhaan ng aabot sa P6.8 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Vito Cruz, Manila, Lunes ng madaling-araw.
Nadakip sina Rudy Kidlat, 20; Mark Anthony Alcantara, 32; at Rona Valenzuella, 37, ayon kay Maj. Gen. Guillermo Eleazar, direktor ng National Capital Region Police Office.
Ang tatlo ay pawang mga kasapi at courier ng isang grupong konektado sa mga Chinese national at Muslim na sangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa Metro Manila at Cavite, aniya.
Isinagawa ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit, Manila Police District Station 6, at Philippine Drug Enforcement Agency ang operasyon sa Osmena Road, ala-1:10.
Bago ito’y isinailalim ang tatlo sa mahigit 1-buwang surveillance, ani Eleazar.
Nakuhaan ang mga suspek ng kabuuang 1 kilo ng shabu, na nakapaloob sa mga plastic bag ng yelo.
Nakumpiska din sa kanila ang pekeng P1 milyon cash at isang P1,000 papel na ginamit sa buy-bust, isang timbangan, at ang Suzuki Swift na kanilang ginamit sa pagde-deliver ng droga.
Dinala ang mga suspek at mga nakumpiskang gamit sa Crime Laboratory Office para sa pagsusuri.
Hinahandaan na ang mga suspek ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law.