SOBRANG pagkalungkot ang naramdaman namin nang makarating sa amin ang impormasyon na inatake sa puso ang aktor-direktor na si Tito Eddie Garcia.
Malapit sa aming puso ang henyong aktor, nagkakuwentuhan pa kami nu’ng gabi ng parangal ng GEMS, maaga siyang dumating kesa sa nakalagay na oras sa imbitasyon.
Nakatrabaho namin si Tito Eddie sa paggawa ng isang TVC, sa dalawang araw naming shoot ay walang-wala kaming napansing anumang kayabangan sa kanya, marespeto siya maging sa maliliit na manggagawa ng produksiyon.
Ang pagiging magkaibigan namin ni Tito Eddie ay tumiyempo pa naman sa pinakamadilim na bahagi ng aming mundo. Kaliwa’t kanan ang aming problema, para naming pasan ang daigdig, pero ang pangamba ay nabura dahil sa kanyang mga payo.
Tandang-tanda pa namin ang kanyang sinabi na inulit namin sa entablado ng GEMS nang pareho kaming tumanggap ng parangal, “Despite the problems, life is still a wonderful journey. Lahat ng kuwento nating dalawa ngayon, one day, mawawala ring lahat. Tomorrow is another day.”
Napanood namin ang video ng kanyang pagbagsak sa taping, agaran siyang itinakbo ng produksiyon sa Mary Johnston Hospital sa Tondo kung saan din kami ipinanganak, nobenta anyos na ngayon ang magaling na aktor-direktor.
Humihingi ng panala-ngin ang pamilya ni Tito Eddie, dasal para sa mas maaga niyang paggaling, panalangin na sana’y makasama pa rin natin siya nang matagal na panahon sa industriya.
Laban lang, Manoy!