BUMILIS ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Mayo ayon sa Philippine Statistics Authority.
Naitala ang inflation rate noong nakaraang buwan sa 3.2 porsyento, mas mataas sa 3.0 porsyento na naitala noong Abril.
Mas mababa naman ito sa 4.6 porsyento na naitala noong Mayo 2018 pero mas mataas sa naitala noong 2017 (2.9 porsyento) at 2016 at 2015 (parehong 0.9 porsyento).
Ayon sa PSA, ang pagtaas ng inflation rate ay dulot ng mas mahal na pagkain, inumin, bahay, tubig, kuryente at produktong petrolyo.
Sa National Capital Region ang inflation rate ay 3.4 porsyento, tumaas mula sa 3.1 porsyento noong Abril.
Sa labas ng NCR, walong rehiyon ang tumaas ang inflation rate. Ang pinakamataas na annual inflation sa mga ito ay ang Mimaropa (Region IV-B) na naitala sa 4.7 porsyento.
Ang pinakamababang inflation rate naman ay naitala sa Region VII (Central Visayas) at Region IX (Zamboanga Peninsula) na parehong nakapagtala ng 1.5 porsyento.
Ayon kina Gabriela Representatives Emmi de Jesus at Arlene Brosas, kahit sabihin pa ng gobyerno na maliit lamang ang pagtaas na ito ay mararamdaman pa rin ito ng mga ordinaryong manggagawa dahil hindi naman tumaas ang kanilang suweldo.
“The latest inflation uptick, after months of decline, also breaks the forecasts made by the government that inflation will steadily decline until the end of the year,” ani de Jesus.