Shaina: Hindi naging kami ni Piolo


UNA naming nakilala si Direk Dwein Baltazar sa pelikulang “With All My Hypothalamus” nang magkaroon ng presscon ang Film Development Center of the Philippines dahil nakiusap siyang dapat suportahan ang mga indie film para makabawi naman ang filmmakers at producers.

Medyo tumaas kasi ang boses ng nasabing direktor habang nagsasalita kaya nakuha niya ang atensyon ng media.

Hindi namin napanood ang nasabing pelikula ni Direk Dwein na nanalong Best Picture, Best Screenplay at Best Director sa 2019 FAMAS pero base sa mga narinig namin ay maganda talaga ang pelikula pero baka raw hindi ito agad ma-gets ng masa.

Anyway, si direk Dwein ang direktor ng 7-episode digital series na Past, Present Perfect? na umeere na ngayon sa iWant tuwing 12 ng hatinggabi mula sa Epic Media. Bida rito sina Shaina Magdayao, Vin Abrencia at Loisa Andalio.

Sa nasabing presscon ay natanong si Direk at ang cast kung anong bahagi ng kanilang past ang hindi nila makakalimutan na puwedeng sabihing pangit.

Sagot ni direk Dwein, “Wala naman akong masasabing (hindi maganda). Hindi naman siya pangit, I started from the bottom talaga. Nag-PA (personal assistant) sa isang maliit na advertising company tapos iniiyakan ko ‘yung pagse-xerox ng bulto-bulto. Hindi ‘yun pangit for me pero alam ko na magiging magandang kuwento pag ginagawa ko na ‘yung gusto ko talaga.

“Nagsekretarya pa ako sa Malakanyang, kung anu-anong karaketan hanggang sa naging stylist ako for film, tapos lahat ng ‘yun naging lead to becoming a writer and director to where I am now,” aniya pa.

Base naman sa kuwento ng bidang aktres ng Past, Present, Perfect? na si Shaina ay cool na direktor daw si Dwein at hindi inakala ng aktres na kaya naman pala niyang gumawa ng ibang genre dahil nga nasanay siya sa heavy drama at palaging umiiyak. Dito sa digi-series na PPP ay light lang at kapag nagustuhan ng direktor ang acting ay sasabihin lang nitong, “Keri na.”

In fairness kung ganyan nga naman ka-cool ang direktor mo at hindi naninigaw ay masarap magtrabaho kaysa sa lagi kang nagpa-palpitate dahil wala kang maririnig kundi sigaw sa set.

Anyway, abangan ang natitirang episodes ng Past, Present Perfect? sa iWant kung saan kasama rin sina Elijah Canlas, VJ Mendoza, Alorah Sasam, Eda Nolan, Amy Nobleza, Iana Bernardez, Peewee O’ Hara, Awra Briguela, Allan Paule at Romnick Sarmenta.

q q q

Follow-up ito sa nasulat namin tungkol kay Shaina Magdayao kahapon na ayaw niyang pag-usapan ang “past” nila ni John Lloyd Cruz pero open siya pagdating kay Piolo Pascual na nakasama niya sa Cannes Lions Festival para sa pelikulang “The Hult (Hupa).”

Natanong ang aktes kung may “past” at “present” ba talaga sila ni Piolo? “Nasa present, nasa past,” tumatawang sagot ng dalaga.

Feeling ni Shaina ay inilagay ng Diyos si Piolo sa past at present niya. Pero diretsong inamin na wala silang naging relasyon ng aktor.

“Nandiyan lang siya. Hayaan lang natin. Kapag dumating naman ‘yung future, gaya ng sabi ko, sasabihin ko naman at aaminin ko sa inyong lahat. Hindi ko alam ‘yung future, pero nagpapasalamat ako na kasama siya sa past ko, at nandito pa rin siya sa present,” nakangiting sabi ng dalaga nang makausap ng press.

Read more...